Inanunsyo ng Shizuoka Prefectural Government na magsisimula ng alas-9 ng umaga ngayong araw ang paghihigpit sa pagkuha ng tubig mula sa Oi River system matapos ang matinding pagbaba ng lebel ng mga dam dahil sa kakulangan ng ulan.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, ang dami ng ulan sa nakalipas na 60 araw hanggang Martes (17) ay umabot lamang sa 118 mm sa Ikawa (37% ng karaniwan) at 151.5 mm sa Kawanehoncho (48%). Noong Marso 16, ang mga reservoir sa nasabing sistema ay may 21.1% na lamang ng kanilang kapasidad.
Ang mga restriksyon ay 5% para sa inuming tubig at 10% para sa paggamit sa industriya at agrikultura. Maaapektuhan nito ang pitong lungsod: Shimada, Yaizu, Kakegawa, Fujieda, Omaezaki, Kikugawa, at Makinohara.
Ayon sa lokal na pamahalaan, wala pang agarang pagputol sa suplay ng tubig para sa mga kabahayan, ngunit hinihikayat ang publiko na maging maingat sa paggamit ng tubig. Ito ang unang restriksyon sa Oigawa system mula noong Enero hanggang Marso 2021.
Source / Larawan: Shizuoka Asahi TV