News

Japanese court recognizes filipina as human trafficking victim and cancels deportation

Nagpasya nitong Huwebes (ika-13) ang Tokyo District Court na kanselahin ang deportation order laban sa isang Filipina na halos 17 taon nang naninirahan sa Japan nang walang legal na status, matapos kilalanin na dapat siyang itinuring na biktima ng human trafficking.

Ayon sa desisyon ng korte, dumating ang babae sa Japan noong 2004 gamit ang anim na buwang visa upang magtrabaho bilang dancer sa isang Filipino pub sa Gunma Prefecture. Batay sa kaso, kinumpiska umano ng may-ari ng establisyimento ang kanyang pasaporte, sinabi na mayroon siyang utang na humigit-kumulang 600,000 yen, at sinubukang pilitin siyang magprostitusyon. Nakapag-escape ang babae mula sa lugar.

Pagkatapos tumakas, tumira siya sa kanyang tiyahin ngunit sinabi rin niyang pinipilit siyang magpakasal sa isang miyembro ng yakuza. Dahil hindi niya na-renew ang kanyang visa, namuhay siya nang palipat-lipat kasama ang kanyang Japanese partner. Noong 2022, inaresto siya dahil sa illegal overstaying at kalaunan ay nahatulan. Noong sumunod na taon, naglabas ang Japanese immigration authorities ng deportation order laban sa kanya.

Sa hatol, sinabi ng korte na ang mga naranasan ng babae ay may malinaw na katangian ng human trafficking para sa sexual exploitation. Ayon sa hukom, nabigo ang immigration authorities na magsagawa ng sapat na imbestigasyon at tinawag ang deportation order na “lubhang hindi makatwiran at hindi naaayon sa social standards.”

Iginiit ng Japanese government na ang kasal ng babae sa kanyang Japanese partner, na naganap matapos siyang maaresto, ay hindi dapat mabigyan ng legal protection dahil nabuo ito habang siya ay ilegal na naninirahan sa bansa. Gayunman, kinilala ng korte ang relasyon bilang tapat at seryoso, at binigyang-diin na ang deportation ay maaaring magdulot ng matinding epekto sa kalusugan ng kanyang asawa, na may iniindang karamdaman.

Source: Asahi Shimbun

To Top