Price surge hits Japan
Papasok ang Hunyo na may panibagong bugso ng pagtaas ng presyo ng pagkain at inumin sa Japan. Ayon sa isang economic research institute, aabot sa 1,078 produkto ang magkakaroon ng price increase ngayong buwan, mas mataas kumpara sa 84 na produktong nagtaas ng presyo noong Mayo.
Ipinapakita ng pagtataya na mahigit 10,000 produkto ang maaaring makaranas ng pagtaas ng presyo sa buong 2026. Inaasahang magpapatuloy ang pressure sa mga presyo sa panahon ng tag-init dahil sa tumataas na gastos sa produksyon at logistics.
Isa sa mga dahilan ay ang krisis sa Gitnang Silangan, na nakaapekto sa suplay ng naphtha, isang petroleum-based na hilaw na materyales na ginagamit sa paggawa ng kemikal at plastic packaging para sa pagkain. Sa pagtatapos ng Mayo, humigit-kumulang 22.7% ng mga sinuring produkto ang naapektuhan na ng pandaigdigang sitwasyon.
Nangunguna sa listahan ng mga tataas ang presyo ang mga pampalasa, kasunod ang mga processed food, kabilang ang instant noodles. Hanggang Oktubre, umabot na sa 9,361 produkto ang nakatakdang magkaroon ng price increase, na nagpapatuloy sa sunod-sunod na pagtaas na naitala sa mga nakaraang taon.
Source: Mainichi Shimbun
