Umabot sa humigit-kumulang 7,906 ang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga sasakyang minamaneho ng mga dayuhan sa Japan noong nakaraang taon—mahigit 600 na mas mataas kumpara sa nakaraang taon. Ito ang pinakamataas na antas sa loob ng 15 taon at ikalimang pinakamataas na naitala, ayon sa National Police Agency.
Ang mga kasong ito ay kumakatawan sa halos 3% ng lahat ng aksidente sa kalsada—ang pinakamataas na porsiyento mula nang simulan ang talaan noong 2006. Ayon sa mga eksperto, ang pagtaas ay kasabay ng pagdami ng mga dayuhang residente at bisita sa bansa sa mga nakaraang taon.
Naitala ang 587 aksidenteng may namatay o malubhang nasugatan—ikalawang pinakamasamang bilang mula 2006. Nangunguna sa mga kaso ang mga sangkot na mula sa China (136), South Korea (102), Vietnam (65), Brazil (54) at Pilipinas (37).
Sa 488 malulubhang kaso, mahigit 80% ng mga drayber ay may hawak na Japanese driver’s license; 158 sa kanila ang nakakuha nito sa pamamagitan ng foreign license conversion system. Nangako ang pulisya na palalakasin ang pagbibigay-kaalaman tungkol sa mga batas trapiko at hihigpitan ang pagsusuri sa proseso ng pag-convert ng lisensya.
Source: Asahi TV / Larawan: Illustrative