General

ALAMIN: Kaibahan ng ‘good’ at ‘bad’ cholesterol

Hindi lahat ng kolesterol sa katawan ng tao ay nakasasama.

Sa programang “Good Vibes” ng DZMM, ipinaliwanag ng cardiologist na si Dr. Christopher Nazal na likas sa katawan ng tao ang pagkakaroon ng kolesterol, at may mabuti at nakasasamang uri nito.

Ang kolesterol ay isang substance na nakatutulong para maging malusog ang mga cell o selula sa katawan ng tao, ayon kay Nazal.

“Kailangan ‘yon ng katawan natin para maging healthy ‘yong cells sa tamang amounts. ‘Pag sumobra, doon tayo nagkakaroon ng concerns,” paliwanag ni Nazal.

Nadadagdag lamang umano ang kolesterol sa katawan dahil sa mga kinakain ng tao.

Tinatawag na “low-density lipoprotein (LDL)” ang uri ng kolesterol na nakasasama dahil maaari itong bumara sa mga arterya o lagusan ng dugo mula sa puso patungo sa mga bahagi ng katawan, ani Nazal.

“High-density lipoprotein (HDL)” naman ang tawag sa “good cholesterol” na mula sa mga arterya ay bumabalik sa atay para maialis sa katawan.

“Sila ‘yong nagta-transport from the arteries, babawiin nila, ibabalik nila doon sa liver, tapos from the liver puwede siyang ma-eliminate from the body,” sabi ni Nazal.

Kasama ang LDL at HDL sa 4 bahagi ng lipid profile, na sumusukat sa dami ng kolesterol sa katawan ng tao.

Bukod sa LDL at HDL, kasama rin sa lipid profile ang total cholesterol o kabuuang dami ng kolesterol, at triglyceride o iyong taba sa katawan ng tao.

Hindi umano maganda kapag ang resulta ng lipid profile ay mataas ang LDL at triglyceride, lalo kung kasabay nito ang mababang HDL.

Madalas umano ang mataas na antas ng kolesterol sa mga taong may hypertension, diyabetes, overweight, at may sedentary lifestyle o hindi masyadong gumagalaw.

Kung may ibang medikal na kondisyon, mainam na ipatingin ang kolesterol sa katawan “every few months” o tuwing lilipas ang ilang buwan.

Para naman sa mga taong malusog at may edad 20 pataas, ipinapayo raw ang pagpapatingin kada apat hanggang anim na taon.

ALAMIN: Kaibahan ng ‘good’ at ‘bad’ cholesterol
To Top