Napakahalaga ng ating kidneys o bato.
Ang kidneys ay tumutulong sa pagtanggal ng dumi ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi. Kapag nasira ang ating kidneys, puwede itong magdulot ng kidney failure at pag-dialysis. Mahal at mahirap ang gamutan sa kidneys.
Masuwerte at na-interview ko sa aming DZRH program (“Docs on Call” Sabado 5 – 6 PM) ang isa sa pinakamagaling na kidney specialist sa bansa. Siya si Dra. Elizabeth Montemayor ang Head ng Hemodialysis Unit sa Manila Doctors Hospital, at Professor in Physiology sa UP College of Medicine.
Heto ang mga natatanging paraan para maalagaan ang kidneys:
1. Bawasan ang asin sa pagkain
Kailangan ay matuto tayong limitahan ang pagkain ng maaalat tulad ng asin, patis, toyo, bagoong at maaalat na isda. Mataas din ang asin ng mga instant noodles, sitsirya at de-lata. Basahin ang “Nutritional Label” para sa dami ng asin/salt. Kung maalat ang sabaw o sarsa ay huwag na itong ubusin. Sa pagluto ng noodles ay kalahati lang ang seasoning o alat na ilagay. Hindi naman bawal ang pagkain ng maaalat, pero bawasan mo lamang. Kapag nasobrahan ang asin o alat sa katawan ay tataas ang ating presyon. At ang high blood pressure ang sisira sa ating kidneys.
2. Limitahan ang protina sa pagkain
Alam ba ninyo na ang pagkain ng sobrang protina, tulad ng karneng baka, baboy, lalo na ang malalaking steak, ay nagpapahirap sa kidney? Oo, tunay po iyan. Kaya nga ang mga may sakit sa kidneys ay nililimitahan ang protina sa pagkain. Ayon kay Dra. Montemayor, kapag madami ang protina mong kinain, kailangan mag-double time ang trabaho ng iyong kidneys. Bilang paghahambing, imbes na parang naglalakad lang ang trabaho ng kidneys, ay tumatakbo ang kidneys kapag madami tayong protinang kinain. Puwedeng mapagod at masira and kidneys sa katagalan. Dahil dito, hindi pinapayo ng mga doktor ang Atkin’s diet o South Beach Diet na mataas ang protina sa diyeta. Isang balanseng diyeta ang pinaka-healthy:may kanin, gulay, isda at prutas.
3. Gamutin ang Altapresyon o High Blood Pressure
Kapag mataas ang iyong presyon sa 140 over 90, dito na nag-uumpisa ang pagkasira ng kidneys. Gusto ng kidneys ang normal na presyon ng dugo lamang. Bawasan ang alat sa pagkain at uminom ng gamot sa altapresyon.
4. Gamutin ang diabetes
Napakasama ang naidudulot ng diabetes sa kidneys. Sinisira ng diabetes and kidneys at puwedeng magdulot ng kidney failure at pagda-dialysis.Ayon kay Dra. Montemayor, kahit bahagya lang ang taas ng iyong blood sugar (mild diabetes) ay puwede pa ring masira ang iyong kidneys. Wala daw ito sa taas ng blood sugar, kung hindi sa tagal ng iyong diabetes. Kapag 5-10 taon na ang diabetes, nag-uumpisa nang masira ang kidneys. Dahil dito, kumonsulta agad sa doktor at gamutin na ang diabetes at altapresyon.
5. Limitahan ang paggamit ng pain relievers (gamot sa kirot)
Ang mga pangkaraniwang pain relievers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, at mga mamahaling pain relievers tulad ng celecoxib, ay puwedeng makasira ng kidneys. Kailangan ay limitahan ang paggamit nito sa isang linggo lamang. Pagkatapos ay ipapahinga muna ang kidneys, bago muling bigyan ng gamot sa kirot. Kaya kung ika’y may arthritis, lagyan na lang ng mainit na tubig ang tuhod at gumamit na lang ng paracetamol tablet.
6. Uminom ng sapat na tubig bawat araw
Ang pangkaraniwang payo ng doktor ay ang pag-inom ng 8 basong tubig sa isang araw. Makatutulong ito sa pag-iwas sa kidney stones o bato sa bato.
7. Para sa mga taong magpapa-CT Scan o MRI with contrast dye (iyung gumagamit ng dye na ipinadadaan sa ugat)
kailangan nating pangalagaan ang inyong kidneys. Uminom muna ng 1 o 2 basong tubig bago magpa-CT scan o MRI para matulungan ang kidneys na mailabas itong dye.
8. Wala pang basehan ang paggamit ng supplements para sa kidneys
Ayon kay Dra. Montemayor, wala pang supplement na naimbento na napatunayang makatutulong sa kidneys. Sundin lamang ang mga payong naibigay natin at mapapangalagaan na ang ating kidneys.
9. Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C
Ayon kay Dra. Montemayor, hanggang 500 mg lang ng Vitamin C ang kanyang mare-rekomenda. Ang sobrang vitamin C ay puwedeng magdulot ng kidney stones. At ang kidney stones naman ay puwedeng umabot sa kidney failure kapag hindi naagapan.
10. Magtanong muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot.
Magpacheck ng ihi (urinalysis) at dugo (CBC, BUN at creatinine) at kumonsulta sa inyong kidney specialists o doktor. Napakahalaga ng ating kidneys. Alagaan natin ito.
By: Dr Willie Ong