Di natin makakaila na sadyang napakasaya ng Bagong Taon sa Pilipinas dahil sa tuwing sasapit ito ay ating pinaghahandaan ang iba’t-ibang makukulay na palamuti sa ating tahanan at atin na ring nakaugalian ang magpaputok upang maitaboy ang mga kamalasan na ating naranasan sa lumipas na panahon.
Mga Nakaugalian Tuwing Bagong Taon
Nariyan na rin ang paghahanda bago mag-alas dose ng hatinggabi. Tayong mga Pinoy ay naniniwala na upang maging masagana ang pagpasok ng bagong taon at maging maginhawa ang pagpasok ng pera sa isang buong taon ay dapat na maglagay ng barya sa loob ng bulsa; mas maganda kung mas marami. Pangalawa, dapat tayong magsuot ng damit na polka dots o damit na may bilog-bilog na disensyo upang mapanghikayat ang pagpasok ng salapi sa pagdating ng bagong taon. Dapat din daw ay magluto ng pansit dahil pinaniniwalaan natin na ito ay sumisimbulo ng mahabang buhay. Inirerekomenda din para sa media noche ang paghahanda ng mainit na tsokolate, hiniwa-hiwang tinapay, spaghetti, hotdog, keso, pork o chicken barbecue, pansit, lumpiang shanghai, menudo, at afritada.
Iba Pang Paniniwala sa Bagong Taon
Pagpatak ng alas-dose ng hatinggabi, dapat din daw nating buksan lahat ng mga pinto, bintana, at mga ilaw upang pumasok ang swerte sa loob ng bahay. Upang mas maging matangkad, tumalon nang paulit-ulit. Lumikha ng ingay upang mapaalis ang malas at kalampagin ang mga kaldero at kawali, magpatugtog nang malakas, at sabayan ng tawanan at sigawan. Di na nating kailangan ng mga paputok sapagkat ito ay nakakapinsala at gastos pa. Salu-salong kumain ng media noche at pagsaluhan ang biyaya ng Panginoon na may kasamang pasasalamat at paghingi ng patawad. Ika nga, parang family bonding. Sa espesyal na araw na ito dapat magkakasama ang magkaka-pamilya nang maging maginhawa ang pagpasok ng bagong taon.
Sadyang napakarami nating pamahiin tuwing bagong taon sa Pilipinas di ba?
Ginagawa niyo pa ba ang mga ito mga kaibigan?
Kung sabagay, wala naming mawawala pero lagi nating isa-isip na nasa atin pa ring pagsusumikap ang ikakaginhawa ng ating buhay.