Isang bus driver ng lokal na ruta sa lungsod ng Tsu, sa Mie Prefecture, ang sumigaw sa isang pasaherong may autism matapos itong magreklamo tungkol sa biglaang pagpreno habang nasa biyahe. Dahil sa insidente, naglabas ng pormal na paghingi ng paumanhin ang kumpanyang namamahala sa bus.
Naganap ang pangyayari sa Gurutto Tsu bus na pinatatakbo ng Mie Kotsu. Ayon sa ulat, dalawang beses biglang nagpreno ang bus sa mga pulang ilaw-trapiko malapit sa Tsu Nagisamachi Port at sa pasukan ng National Route 23. Ilang matatandang pasahero ang nawalan ng balanse, at ang lalaking nasa edad 50 anyos ay bahagyang napilayan ang paa.
Nang sabihan ng pasahero na “mapanganib” ang sitwasyon, hindi umano siya pinansin at kalaunan ay sinigawan pa ng driver. Dahil sa labis na pagkabahala, bumaba siya bago marating ang kanyang destinasyon, humingi ng tulong sa isang police box, at nakauwi sa tulong ng isang pulis.
Matapos suriin ang mga kuha ng internal camera ng bus, personal na bumisita ang kumpanya sa pasahero upang humingi ng paumanhin. Pinatawan ng babala ang driver at inatasang dumalo sa preventive training upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Source: Mainichi Shimbun