Crime

Filipino arrested in Miyagi for involvement in fraud scheme

Isang 20-anyos na mamamayang Pilipino na kinilalang si Shou Katou, residente ng Koshigaya sa Prepektura ng Saitama, ang naaresto sa hinalang sangkot sa isang scam kung saan siya umano ang tagakolekta ng pera para sa isang grupo ng mga manloloko na sangkot sa mga tokushu sagi o espesyal na pandaraya gamit ang telepono.

Inakusahan si Katou na niloko ang dalawang lalaking nasa edad 70 pataas na residente ng prepektura ng Miyagi, at nakapagkolekta ng kabuuang halagang ¥4.1 milyon. Isa sa mga kaso ay naganap noong Setyembre 29 ng nakaraang taon, kung saan ang isa sa mga biktima, na nakatira sa distrito ng Wakabayashi sa lungsod ng Sendai, ay nakatanggap ng tawag mula sa isang tao na nagkunwaring kanyang anak at nagsabing kailangan niya ng pera para sa isang kasunduan kaugnay ng diumano’y buntis na kabit.

Sa parehong araw, isa pang matandang lalaki mula sa lungsod ng Shikama ang nabiktima rin ng katulad na modus at nagbigay ng ¥1 milyon. Ayon sa pulisya, ang pera ay iniwan sa pampublikong palikuran, kung saan umano ito kinuha ni Katou bilang bahagi ng kanyang tungkulin sa grupo.

Isang 19-anyos na lalaki na sinasabing “runner” ng grupo ang naaresto noong Oktubre. Ang kanyang salaysay, pati na rin ang mga ebidensiyang nakuha mula sa CCTV, ang naging susi sa pagkakaaresto ni Katou. Inamin ng suspek ang krimen. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa daloy ng pera, iba pang kasabwat, at iba pang posibleng krimen ng grupo.

Source: Miya TV

To Top