Filipino man dies after disappearing during fishing trip in Mie

Isang 56-anyos na lalaking Pilipino ang natagpuang patay sa loob ng isang rubber boat na palutang-lutang sa dagat ng Tsu, sa prepektura ng Mie, Japan. Nangyari ang insidente matapos siyang pumalaot para mangisda noong gabi ng Abril 25 at hindi na nakabalik.
Ayon sa pulisya, umalis ang lalaki para mangisda bandang alas-8 ng gabi, at kinabukasan ng umaga, iniulat ng kanyang mga kaanak ang kanyang pagkawala sa mga awtoridad. Sa isinagawang search operation gamit ang mga barko at helicopter, natagpuan ang rubber boat at ang walang malay na lalaki bandang alas-12:20 ng tanghali noong Abril 26.
Dinala ang biktima sa isang ospital sa lungsod ng Ise, kung saan kinumpirma ang kanyang pagkamatay. Ayon sa pagsusuri, hypothermia ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa mga detalye ng insidente.
Source / Larawan: Mie TV
