Foreign Minister Hayashi, Nagpositibo sa COVID-19
Ang Japanese Foreign Minister na si Yoshimasa Hayashi ay nagpositibo sa COVID-19 nitong Miyerkules at magpapagaling sa bahay hanggang sa Hunyo 11, sinabi ng mga opisyal.
Si Hayashi ay nakakaranas lamang ng mild symptoms, ayon sa Foreign Ministry. Sinabi ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno sa isang press conference na walang sinuman sa ministry o sa prime minister’s office ang natukoy na close contact.
Nakaramdam si Hayashi ng pananakit sa kanyang lalamunan nang pumunta siya sa ministry nitong Miyerkules ng umaga, at kumuha ng PCR test para sa coronavirus, sinabi ng isang opisyal.
Nilaktawan niya ang isang sesyon ng House of Representatives Budget Committee sa hapon at kinansela rin ang magkahiwalay na pagpupulong kasama ang isang grupo ng mga mambabatas ng US at US Forces Korea Commander Gen. Paul LaCamera.
Nakipag-usap si Hayashi kay North Macedonian Foreign Minister Bujar Osmani noong Lunes sa Tokyo ngunit hindi nakipagpulong sa iba pang mga leader or counterparts mula sa ibang mga bansa ngayong linggo.
Ang foreign minister ay dumalo sa isang pulong sa pagitan nina Punong Ministro Fumio Kishida at Pangulo ng US na si Joe Biden noong Mayo 23 at nakipag-usap sa kanyang counterparts mula sa United States, India at Australia sa sideline ng Quad summit na ginanap sa sumunod na araw, kapwa sa Tokyo.
Nag-host din siya ng mga foreign minister ng Singapore at Malaysia noong Mayo 25, at ang tumatayong deputy prime minister ng Vietnam sa sumunod na araw.
Ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa buong Japan ay mas mababa sa 30,000 bawat araw kamakailan, kumpara sa humigit-kumulang 100,000 noong unang bahagi ng Pebrero nang ang bansa ay nagpupumilit na pigilan ang pagkalat ng highly transmissible Omicron variant.