Mayroon nang bagong batch ng mga Filipino nurses at caregivers na may kabuuang 206 na kandidato ang makakapasok sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Inihahanda na lamang sila sa anim na buwang programa na pag-aaral ng wika at kultura ng mga Hapon.
“Ang kaalaman sa wika at kultura ng mga Hapon ay makatutulong sa mga kandidato upang mas mabilis nilang makasanayan ang pamumuhay doon.” Ayon kay TESDA Director General Irene Isaac.
Dagdag pa aniya, “Ito ay karagdagan sa kanilang abilidad.”
Ang programang into ay makatutulong din sa mga kandidatong nars at caregivers na makapasa sa Japanese Licensure Examination para maging permanenteng manggagawa sa bansang Hapon at kapag sila ay nasa bansang Hapon na sila ay muling mag-aaral ng Niponggo.
“Marami tayong aplikante ngunit hindi lahat ay mapipili. Maraming pagdadaanang hirap ang mga aplikante sa bansang Hapon, pisikal at sikolohikal, pero huwag kayong susuko. Ipagmalaki ninyo ang mga nagawa niyo na at kung papaano kayo nakarating dyan. Huwag ninyong hayaan ang mga sarili nyong maging kampante.” Sabi ni Hiroyuki Enoki, Labor Attache ng Embahada ng Hapon sa Pilipinas.
Sabi pa ng TESDA Deputy Director General Rose Urdaneta, “Na bukod sa kanilang kaalaman sa wikang Hapon, ang mga Pilipino ay may puso at malasakit sa kapwa na katangiang kilala sa buong mundo.”
Nagpayo naman si Hans Cacdac, Administrador ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na “Mag-focus lamang kayo sa inyong mga layunin at paghandaan ang mga pagsubok na darating sa inyong landas.”
Taong 2011 noong sinimulan ang programang ito at mayroon nang 971 na kandidato ang naka-kumpleto na ng nasabing training at 77 nars at 136 caregivers naman sa mga ito na ang nakapasa na sa Japanese Licensure Examination, dagdag pa ni Cacdac.
SOURCE: TESDA.GOV.PH