Isang guro ang nagkautang ng malaking halaga sa tatlong bangko matapos siyang mabiktima ng identity theft. Ang salarin, nakakuha ng mga impormasyon sa biktima dahil sa indentication card na ipinost nito sa Facebook.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing ikinagulat ng public school teacher na si Mark Joseph Lontok nang malaman niyang nagkaroon siya ng utang sa tatlong bangko na nagkakahalaga P800,000.00 gayung hindi naman siya nag-aplay.
Katunayan, ang isang bangko, sinimulan nang kaltasin ang P9,000.00 mula sa kaniyang buwanang sahod. Susunod na raw ang isa pang bangko na magbabawas naman ng P10,000.00.
Hinanakit ni Lontok, maliit lang ang sahod nilang mga guro at siya lang ang inaasahan ng pamilya kaya mahirap para sa kaniya ang mabiktima ng manloloko.
Natuklasan na nabiktima ng identity theft si Lontok dahil sa pag-post niya sa Facebook ang larawan ng kaniyang identification card ng Professional Regulation Commission nang makapasa siya sa board exam para sa mga guro.
Mula sa isang bangko na inutangan daw ni Lontok, nakita ang hitsura ng lalaking kumopya sa ID ng biktima.
Napag-alaman din ng National Bureau of Investigation na bukod kay Lontok, may isa pang public school teacher ang nabiktima ng suspek bilang co-maker sa loan.
Kaya paalala ni Atty. Dennis Syhian, executive officer, NBI-AFAD, mag-ingat at huwag basta magpo-post sa social media ng mga ID at iba pang personal information na maaaring magamit ng mga kawatan.
Source: FRJ, GMA News