Tataas ang presyo ng ilang pangunahing bilihin simula Sabado, Mayo 4.
Ito ay matapos payagan ng Department of Trade and Industry ang pag-akyat sa presyo ng ilang brand ng sardinas, instant noodles, bottled water, at panimpla o condiments.
Nasa P0.50 hanggang P1 ang dagdag-presyo sa kada lata ng mga sumusunod na brand:
- Atami
- Family
- Master
- Mega
- Mikado
Nasa P1.35 hanggang P1.70 naman ang pagtaas sa kada lata ng mga imported na brand na Rosebowl at Saba.
Sa instant noodles, P0.20 hanggang P0.45 ang dagdag sa kada pakete ng Lucky Me at Payless.
Magtataas naman ng P0.20 hanggang P0.45 ang kada container ng toyo at patis.
Nasa P0.55 hanggang P2 ang dagdag-presyo sa kada pakete ng asin at P0.30 naman sa kada pakete ng sabong panligo.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, hindi man mapigilan ang taas-presyo, may choice o pagpipilian naman ang mga konsumer.
Bukod sa mga nagtaas, may ilang brand pa rin naman daw na napako ang presyo at puwedeng bilhin.
“May choices pa rin sila kung ano ‘yong gusto nilang bilhin na papasok sa budget nila,” ani Castelo.
–Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News