Ang balat ay pinakaimportanteng proteksyon ng kabuuan ng isang indibidwal. Tayo ay naproprotektahan ng ating balat sa iba’t ibang kemikal at elemento sa paligid na makakasama sa ating kalusugan.
Kung ang balat ay mpapabayaan at magkukulang sa supply ng sustansya para ditoay maaaring magdulot ito ng kulugo, impeksyon ng fungi, sunburn, at iba pang sakit sa mga balat.
Kaugnay nito, dapat malinang ang mahahalagang sustansya na kinakailangan sa pagpapanatili ng kalusugan ng ating balat. Ang sumusunod ang ilan sa sustansyang kailangan:
1. Tubig
Ang pag-inom ng tubig ang pinakasimple at pangunahing paraan ng pagpapanatili sa kalusugan ng balat. Sa tulong nito, maiiwasan ang pangungulubot ng balat at mapapanatiling buhay at masigla ang balat. Makatutulong din ito sa mas madaling pagpasok ng mahahalagang sustansya sa bawat cells habang inaalis naman ang mga nakalalasong substansya dito. Sa isang araw, kinakailangang makaubos ng 8 baso ng tubig upang makamtan ang malusog na balat.
2. Selenium
Ang selenium ay isang uri ng mineral na tumutulong sa pagharang sa mga nakalalasong free radicals na siyang sanhi ng pangungulubot, pagkasira at pagtanda ng balat. Makatutulong din ito sa pag-iwas sa skin cancer. Maaring makakuha nito sa ilang uri ng mani, kabute, hipon, talaba, at mga isda gaya ng tuna, at salmon.
3. Antioxidant
Ang antioxidant ay ang mahahalagang substansyang nangunguna sa pagkontra sa mga mapanirang free radicals sa katawan. Dahil dito, matutulungang maiwasan ang mabilis na pagtanda ng balat at ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa balat. Maraming pagkain ang makukuhanan ng antioxidant kabilang na ang tsokolate, ubas, strawberry, at iba pang prutas.
4. CoQ10 (Coenzyme Q10)
Isang uri rin ng antioxidant ang CoQ10. Ito ay natural na ginagawa ng katawan bilang pangontra sa free radicals. Ngunit sa kalaunan, ang produksyon nito sa katawan ay unti-unting nababawasan. Kung mangyari iyon, maaaring makakuha ng CoQ10 sa ilang pagkain tulad ng tuna, salmon, manok, at atay.
5. Vitamin A
Ang vitamin A ay mahalagang bitamina na resposable na pagsasaayos ng mga nasirang cells sa balat. ang beta-carotene na isang uri ng Bitamin A ay isang uri din ng anti-oxidant. Makakukuha ng bitaminang ito sa madidilaw, kahel, at berdeng gulay tulad ng kalabasa, karots, melon, at marami pang iba.
6. Vitamin C
Ang vitamin C naman ang responsable sa pagpapanatili ng lakas at elastisidad ng balat. Tumutulong din ito sa pagbibigay ng proteksyon laban sa nakasisirang sikat ng araw. Makakukuha ng bitaminang ito sa maraming uri ng prutas at gulay gaya ng suha, dalandan, papaya, bayabas, broccoli, malunggay, at marami pang iba.
7. Vitamin E
Isa pang uri ng antioxidant na mabisa para sa balat ay ang bitamina E. Gaya rin ng ibang uri ng antioxidant, hinaharang din nito ang masasamang epekto ng free radicals. Makukuha ito sa ilang uri ng langis mula sa gulay, mani, at olives.
8. Mahahalagang taba at mantika
Ang ibang uri ng taba na makukuha naman sa isda ay makukuhanan ng omega-3 at omega-6 fatty acids na may mabuting epekto sa kalusugan. Makatutulong ito sa pag-iwas sa panunuyo ng balat na maaring magdulot ng pagtuklap at pagkakaliskis. Mas mananatiling buhay at masigla ang balat sa tulong ng mga mahahalagang taba at langis na ito.
Source: KalusuganPH