Ipagbabawal ng pamahalaan ng Japan simula Abril ang paggamit ng mga portable battery sa loob ng mga eroplano matapos ang sunod-sunod na insidente ng sunog habang nasa biyahe. Ipinabatid ang hakbang na ito sa mga airline ng mga opisyal mula sa Ministry of Land, Infrastructure, Transport and Tourism.
Saklaw ng restriksyon ang paggamit ng mga external charger para sa smartphones pati na rin ang pagcha-charge gamit ang mga electrical outlet na naka-install sa mga eroplano. Mula pa noong Hulyo, inirerekomenda na ng ministeryo na panatilihing nasa abot-kamay at hindi inilalagay sa overhead compartments ang mga lithium-ion battery.
Sa kasalukuyan, ipinagbabawal ang paglalagay ng mga external battery sa checked baggage at may limitasyon naman ang pagdadala nito sa hand carry. Isang insidente ng sunog na naitala noong Enero 2025 sa isang flight na pinatakbo ng Air Busan ang itinuturong posibleng may kaugnayan sa depektibong baterya.
Source: Kyodo / Larawan: National Institute of Technology and Evaluation