Magpapatupad ang Japan ng bagong patakaran upang pigilan ang mga dayuhan na bumili ng mga lupang pang-agrikultura kung malapit nang mag-expire ang kanilang mga visa. Inanunsyo ito ng Ministry of Agriculture ng Japan upang maiwasan ang maling paggamit ng mga lupa, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain tulad ng bigas.
Ipinakilala ang pagbabagong ito sa pamamagitan ng isang rebisyon sa regulasyon ng Agricultural Code, kung saan kailangan ng mga dayuhan na ipaalam ang natitirang tagal ng kanilang visa kapag bumili ng lupa. Ang desisyon ay kasunod ng mga alalahanin mula sa mga mambabatas ng partido na nag-aalala sa patuloy na pagdami ng mga dayuhang may-ari ng mga lupang pang-agrikultura sa bansa.
Dagdag pa rito, ang mga dayuhan na hindi magre-renew ng kanilang mga visa o may balak lumipat nang malayo mula sa mga lupang kanilang binili ay hindi papayagang magpatuloy sa kanilang aplikasyon. Gayunpaman, ang bagong sistema ay hindi nagtatalaga ng minimum na tagal ng visa na kailangan para sa pagbili ng lupa, at ang desisyon ay ipapaubaya sa mga lokal na komite ng agrikultura, na susuriin ang bawat kaso nang paisa-isa.
Source: Kyodo