Japan tightens rules for foreign driver’s license conversion

Simula ngayong Oktubre, naging mas mahigpit ang proseso ng pagpapalit ng lisensiyang panlabas sa Japan, na kilala bilang “gai-men kirikae.” Ipinatupad ang bagong patakaran matapos tumaas ang bilang ng mga aksidente at matuklasan ang ilang kaso ng pamemeke ng mga salin ng lisensya.
Kabilang sa mga bagong kinakailangan ang obligatoryong pagsusumite ng resident registration (jūminhyō) — dati, sapat na ang mga dokumento ng pansamantalang panuluyan gaya ng sa mga hotel. Bukod dito, ang pagsusulit sa kaalaman ay pinalawak mula sa 10 tanong na may ilustrasyon tungo sa 50 tanong na walang larawan, at itinaas ang passing rate mula 70% patungong 90%. Mas mahigpit din ngayon ang praktikal na pagsusuri, na nagbibigay-diin sa tamang pagtawid, paggamit ng senyas, at mga liko.
Nagdulot ito ng kalituhan at hamon sa mga dayuhang residente. Ayon sa ilan, mas mahirap na raw ang mga pagsusulit, ngunit nauunawaan nilang mahalaga ito para sa mas ligtas na pagmamaneho.
Sa Oita Prefecture, halimbawa, umabot na sa 512 ang bilang ng mga aplikasyon para sa pagpapalit ng lisensya noong 2024, at patuloy itong tumataas. Upang matulungan ang mga aplikante, naglabas ang lokal na pulisya ng mga video sa iba’t ibang wika at pagsusulit na isinalin sa 21 lengguwahe, kabilang ang Ingles, Vietnamese, at Tagalog.
Ayon sa mga awtoridad, layunin ng mga pagbabago na matiyak na parehong nauunawaan ng mga Hapones at dayuhan ang mga batas trapiko upang maiwasan ang mga aksidente.
Source / Larawan: OBS Online
