Inanunsyo ng gobyerno ng Japan ang mga bagong hakbang upang higpitan ang pananatili ng mga dayuhan sa bansa, lalo na yaong may kasaysayan ng hindi pagbabayad ng buwis, kontribusyon sa social insurance, at gastusing medikal. Ginawa ang desisyon sa isang pulong ng mga ministro nitong Biyernes.
Sa ilalim ng binagong pambansang patakaran para sa pagtanggap at pakikiisa sa mga dayuhan, maaaring hindi pahintulutan ang mga residente na hindi nagbabayad ng buwis o social insurance na i-renew ang kanilang visa. Dagdag pa rito, ayon sa mga bagong alituntunin, maaari na ring ipagkait ng Japan ang muling pagpasok sa bansa hindi lamang sa mga turistang hindi nagbayad ng gastusing medikal — tulad ng kasalukuyang ipinatutupad — kundi pati na rin sa mga dayuhang residente na nananatili sa bansa sa katamtaman hanggang pangmatagalang panahon.
Inanunsyo ni Punong Ministro Shigeru Ishiba, na dumalo sa pulong, ang pagbuo ng isang executive office sa ilalim ng Cabinet Secretariat upang pamahalaan at i-coordinate ang mga polisiya ukol sa mga dayuhang residente at bisita sa pagitan ng iba’t ibang ministeryo.
Source / Larawan: Yomiuri Shimbun