Japanese actress Ryoko Hirosue arrested for assaulting nurse

Inaresto noong madaling araw ng Abril 8 ang kilalang aktres na si Ryoko Hirosue, 44 taong gulang, dahil sa umano’y pananakit sa isang nars sa isang ospital sa lungsod ng Shimada, Prepektura ng Shizuoka. Ayon sa ulat, sinipa at kinamot umano ni Hirosue ang isang 37-anyos na manggagawang pangkalusugan, na nagtamo ng bahagyang pinsala.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente matapos masangkot si Hirosue sa isang aksidente sa kalsada bandang 6:50 p.m. noong Abril 7, nang mabangga niya ang likuran ng isang trak habang nagmamaneho sa Shin-Tomei Expressway. Dinala siya sa ospital na may minor injuries at sinamahan ng isang lalaki na pinaniniwalaang kanyang manager.
Habang ginagamot sa ospital, sinasabing nag-panic si Hirosue at sinaktan ang nars. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari, at hindi pa tiyak kung umamin ang aktres sa alegasyon.
Sa opisyal na pahayag sa kanyang website, kinilala ng mga kinatawan ni Hirosue ang insidente at sinabi na siya ay “pansamantalang napuno ng pagkataranta,” sabay hingi ng paumanhin sa biktima at sa publiko. Inanunsyo rin na pansamantalang ititigil ni Hirosue ang kanyang mga aktibidad sa industriya ng aliwan.
Si Hirosue ay nagsimulang umarte noong 1994 at sumikat sa mga Japanese drama at pelikula, kung saan nanalo siya ng mga parangal para sa kanyang pagganap sa “Poppoya” (1999) at “Departures” (2008). Bilang mang-aawit, sumikat din siya sa kanyang debut single na “Maji De Koi Suru 5byoumae” noong 1997.
Source / Larawan: Mainichi
