Inaresto ng pulisya ng Japan ang anim na lalaki, kabilang ang mga Hapones at isang Chinese national, na pinaghihinalaang sangkot sa isang money-laundering scheme na may kaugnayan sa mga krimeng tinatawag na “special fraud.” Ayon sa mga awtoridad, tinatayang higit ¥28 bilyon ang naipasa ng grupo sa anyo ng mga cryptoasset, na karamihan ay nagmula sa mga panlilinlang na ginawa laban sa mga biktima sa iba’t ibang panig ng bansa.
Batay sa magkasanib na imbestigasyon ng Tokyo Metropolitan Police at ng Aichi Prefectural Police, pinaniniwalaang kinonvert ng mga suspek ang perang nakuha mula sa panlilinlang tungo sa cryptocurrency, inilipat ang mga ito sa iba’t ibang account, at pagkatapos ay nag-withdraw ng bahagi bilang cash upang itago ang pinagmulan ng ilegal na kita. Sa unang bahagi lamang ng 2025, humigit-kumulang ¥80 milyon ang umano’y ginawang cash.
Naniniwala ang mga imbestigador na ang isa sa mga inaresto ang nagsilbing pangunahing tagapaghugas ng pera at may ugnayan sa iba’t ibang grupong kriminal, kabilang ang mga organisasyong sangkot sa malakihang pagnanakaw na pinamamahalaan mula sa ibang bansa. Patuloy na sinusuri ng pulisya ang daloy ng pera at ang posibleng mga internasyonal na koneksyon ng sindikato, habang hindi pa ibinubunyag kung inamin o itinanggi ng mga suspek ang mga paratang.
Source: Asahi Shimbun