Bukas na ang Junglia Okinawa theme park noong Hulyo 25, kung saan dagsa ang mga tao mula pa sa madaling araw. Matatagpuan malapit sa subtropikal na kagubatan ng Okinawa na kinikilala bilang UNESCO Natural World Heritage site, pinagsasama ng parke ang pakikipagsapalaran sa likas na kagandahan ng rehiyon.
Itinayo sa isang dating golf course na may lawak na 60 ektarya, nag-aalok ang Junglia ng humigit-kumulang 20 atraksyon, mga restawran, at spa. Isa sa mga tampok na atraksiyon ay ang Horizon Balloon—isang 23-metrong luwang na lobo na maaaring tumaas ng hanggang 200 metro para sa panoramic na tanawin ng dagat at kabundukan.
Pinakapinag-uusapan ang Dinosaur Safari, isang off-road na biyahe na ginagaya ang pagtakas mula sa mga dinosauro. Tampok dito ang isang galit na T-Rex na tila “kumakain” ng isang staff sa harap ng mga bisita. Mayroon ding mas kalmadong karanasan tulad ng Finding Dinosaurs, kung saan maaaring maglakad sa gubat ang mga bisita at maghanap ng mga animatronic na baby dinosaur.
Sa halagang ¥70 bilyon na puhunan, pinamumunuan ang proyekto ni Tsuyoshi Morioka, na kilala sa pagbuhay muli ng Universal Studios Japan. Tinatayang magdudulot ang Junglia ng economic ripple effect na aabot sa ¥6.8 trilyon sa loob ng susunod na 15 taon. Layunin ng parke na palakasin ang turismo sa hilagang bahagi ng Okinawa at pasiglahin ang ekonomiya ng rehiyon.