General

Kadiwa stores bubuhayin

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Senator-elect Imee Marcos ang Department of Trade and Industry at Local Go­vernment Unit na mu­ling buhayin ang Kadiwa Store na magbebenta ng mga school supplies para matulungan ang mga mahihirap na pamilya na patuloy na mapag-aral ang kanilang mga anak.

Pinatutungkulan ni Marcos ang Kadiwa stores na pinalaganap noong panahon ng administrasyon ng ama niyang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos para matulungan ang mga mahihirap na mamamayan na makatugon sa mataas na presyo ng mga bilihin.

“Libre ang mag-aral sa public schools pero hindi libre ang school supplies. Madalas, ang presyo ng school supplies ay hindi kaya ng mga mahihirap nating kababayan. Hindi rin lahat ng LGU ay ka­yang magbigay ng libreng school supplies sa mga nangangailangan,” ani Imee

Nilinaw ni Marcos na kada taon ay naglalabas ang DTI ng special retail price at abot kayang pres­yo para sa mga school supplies. Ngunit mapapansin aniya na marami pa rin bilihin na pang-eskwela ang mataas ang presyo.

Dahil dito, nanawagan si Marcos sa DTI, LGU’s at mga negosyante na magtayo ng Kadiwa Store para mapanatiling mababa ang presyo ng mga school supplies lalo na tuwing magsisimula ang pasukan.

Ipinalabas ni Marcos ang pahayag matapos na magpalabas ang DTI ng report na 6 hanggang 12% ang itinaas na presyo ng mga school supplies kumpara noong nakaraang taon.

Read more at https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2019/06/06/1924069/kadiwa-stores-bubuhayin#2tVzijl5Qt1VV0Dj.99

Kadiwa stores bubuhayin
To Top