General

Kauna-unahang “new variant” covid positive case sa Pilipinas, may pulmonya at inilipat ng quarantine facility

MAYNILA – Inilipat sa quarantine facility ang unang kumpirmadong kaso ng bagong coronavirus disease (COVID-19) variant mula United Kingdom sa Pilipinas, ayon sa health office ng Quezon City.

Ayon kay Dr. Rolly Cruz, pinuno ng QC Epidemiology and surveillance unit, nasa Hope Quarantine Facility ng siyudad ang 29 anyos na lalaking pasyente.

Nang ipa-xray doon, nakitang may pneumonia siya at nagsimulang ubuhin nang ilipat sa quarantine facility.

Ayon kay Cruz, hindi naman kailangang ilipat sa COVID-19 referral hospital ang pasyente.

“At this time wala po kaming nakikitang dahilan para mailipat siya sa ibang quarantine o ospital the better na hindi na siya malipat-lipat para ma-ensure natin na walang transmission na mangyayari,” ani Cruz.

Nagpapatuloy rin aniya ang contact tracing kahit na close contact lang ng pasyente ang kaniyang girlfriend.

Naka-quarantine at sasalang na rin sa swab test ang mga frontliner na nag-asikaso sa pasyente.

“So ang pasyente na naka-antibiotics ngayon and other medication para ma-treat ang kanyang pneumonia and then minomonitor natin siya kasi may mga doctor naman tayo at health workers sa hope facility na ito,” ani Cruz.

Gabi ng Biyernes nang iulat ng Department of Health na na-detect na ang mas nakahahawang coronavirus variant sa Pilipinas.

Galing umanong United Arab Emirates ang lalaki, na nagpositibo sa B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant.

“Following strengthened biosurveillance and border control efforts, the Department of Health (DOH) and the Philippine Genome Center (PGC) today officially confirm the detection of the B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant) in the country after samples from a Filipino who arrived from the United Arab Emirates (UAE) on January 7 yielded positive genome sequencing results,” sabi ng DOH sa isang pahayag.

Residente ng Kamuning, Quezon City ang pasyente na umalis pa-Dubai para sa negosyo noong Disyembre 27 at dumating sa Pilipinas Enero 27 sa Emirates Flight No. EK 332.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hinikayat nila ang mga nasa nasabing flight na makipag-ugnayan sa mga awtoridad dahil may iilan umanong mga nasa flight na hindi tumatanggap ng kanilang mga tawag.

“Some passengers are rejecting our call. Sana po ay kausapin nila kami para mabigyan namin sila ng guidelines on what they should do,” ani Vergeire, na nagsabing nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad para mahanap ang address ng mga ito.

Samantala, tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi lumabas sa komunidad ang lalaki at agad itong idiniretso sa quarantine facility.

Sinundo umano siya at ang kaniyang girlfriend at hinatid agad sa pasilidad.

Bagama’t nagnegatibo ang girlfriend, isasailalim ulit siya sa swab test pati ang kanilang pamilya kahit hindi pa ito nakakasalamuha.

“Nais nating i-reassure ang ating mamamayan na ito kahit residente ng QC, hindi po siya lumapag sa community ‘nung siya ay na-test. Siya po ay idiniretso sa isolation facility so walang kailangang ikabahala ang mamamayan ng Barangay Kamuning,” ani Belmonte.

“Now what I’m waiting for is the manifesto of the other passengers that were on the same flight kasi gusto kong i-monitor lahat ng taga-QC that were on the same flight,” dagdag niya.

ctto Source: ABS CBN

To Top