Ang regalo ay isang bagay na ating ibinibigay sa isang tao ng hindi humuhingi ng anumang kabayaran. Ito ay binibigay natin ng galing sa ating puso sapagkat nais nating matuwa ang makatatanggap nito. Sa pagbibigay ng regalo, di ito kailangang mahal basta’t galing sa puso ng may kasamang pagmamahal. Heto ang ilan sa mga murang regalo ngayong Pasko na pwedeng-pwede nating pagpilian:
Babasahin
May mga second hand na libro na ating matatagpuan sa mga piling bookstore. Nakatipid ka na, makakabili ka pa ng marami. Sa murang halaga, mapapasaya mo ang iyong mahal sa buhay.
Pagkain at Inumin
Ika nga, ang daan sa puso ng isang tao ay sa pamamagitan ng kanyang tiyan. Napatunayan ko na ito ay totoo. Magluto ng isang espesyal na pagkain (lalo na ang paborito ng paghahandugan mo ng regalo) at ipares ito sa kanyang mga paboritong inumin. Mas mararamdaman ang halaga ng regalo kung ito ay iyo mismong ginawa kaysa binili.
Accessories
Ang mga babae ay mahilig sa mga handbag, isang magandang bandana, o isang pares ng sapatos. Ang mga lalaki naman ay may pagnanais din para sa mga accessory tulad ng relos, kwintas, wallet, belt, at iba pa. Maari tayong makabili ng murang accessory sa mga tiange. Kung nais mo naman ay katiyakan sa kalidad ng mga produkto, maaaring mamili sa mga kilalang shop. Mangyari lamang na maghintay ng mga Christmas sale upang makamura sa mga presyo ng bilihin.
Anuman ang ibibigay mo, tandaan lamang gawing mas personal ang pamimigay ng regalo tulad ng pagluto o paggawa ng handmade gifts. Maaari ring gumawa ng personalized wrap o lagyan ng sulat ang mga regalong ibibigay. Ang bawat tao’y nais na maramdaman na sila ay minamahal at pinahahalagahan. Maipapakita ang pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagbibigay oras sa paggawa ng personal na regalo.
Huwag din nating kalilimutan na magpasalamat sa mga taong nagmamahal at nagbibigay ng mga regalo dahil sa ganitong pamamaraan ay pinapakita nila ang pagmamahal sa atin.