Nalalapit na naman ang Pasko. At kahit na gaano ka pa katagal na naninirahan sa ibang bansa, taon taon mo pa rin hinahanap hanap ang mga tradisyon sa paskong Pinoy.
Tunay naman na nakakamiss ang paraan ng pagdiriwang at paghahanda ng mga Pilipino para sa pasko. Bukod sa napakahabang preparasyon at pagdiriwang na isinasagawa ng mga Pilipino ay may mga tradisyon din tayo kung saan ramdam na ramdam natin ang diwa nito.
Christmas Decoration
Isa sa mga pinaka-aabangan ng mga Pilipino ay pagsasabit at paglalagay ng iba’t ibang dekorasyon sa loob at labas ng mga tahanan. Pagpasok pa lamang ng Setyembre ay nagsisimula na ang mga pamilya at mga malls na magsabit ng iba’t ibang dekorasyon, parol, Christmas lights at magtayo ng Christmas tree. At bago magtapos ang buwan na ito ay nagsisimula na rin ang “100 days till Christmas” countdown ng ilang programa sa telebisyon.
Christmas Sale
Isa sa mga paborito ko pagpasok ng –ber months ay ang kaliwa’t kanang sale sa mga malls. Nagkalat na rin ang mga bazaars kung saan ay makakakita ka ng mga bagay at pagkain na maaari mong ipamigay at ipangregalo sa pasko sa mababang halaga. Ngunit kahit nagkalat na ang mga bazaars at sale sa mga malls ay wala pa rin makakatalo sa pinakapaboritong puntahan ng mga Pilipino: ang Divisoria. Halos lahat na yata ng maari mong isipin at nais mong bilhin ay makikita mo dito sa napakamurang halaga kaya naman kahit siksikan, magulo, maingay at mainit ay dinudumog pa rin ito.
Simbang Gabi
Isa rin sa pinaka-aabangan ng mga Pilipino ay ang simbang gabi. Ito ay ginagawa sa 9 na sunod sunod na gabi hanggang sa araw ng kapaskuhan. Marami ang naniniwala na kapag nabuo mo ang 9 na misa na ito ay maaring matugunan ang iyong kahilingan. Bukod dito, inaabangan din ang bibingka at puto bumbong na karaniwan itinitinda at paboritong bilhin at kainin ng mga Pilipino pagkatapos dumalo ng simbang gabi.
Christmas Carol, Christmas Parties, Exchange Gifts
Nakakamiss din ang gabi gabing pangangaroling nga mga kabataan, ang kaliwa’t kanang Christmas parties at reunion, ang exchange gifts o monito-monita at ang pagbisita sa mga Ninong at Ninang.
Noche Buena
At higit sa lahat, ang Noche Buena kung saan ay parang pista na idinidiwang sa Pilipinas. Nakahain ang mga paboritong pagkain nating mga Pinoy at pinagsasaluhan ng mga pamilya habang sabay sabay na sinasalubong ang Pasko.
Kapag naiisip ko kung gaano kasaya at kainit ang selebrasyon na ito ay di ko mapigilan ang pananabik na muling maranasan ang mga tradisyon sa paskong Pinoy sa Pilipinas.