Journalists at lawyers isinangkot
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Malacañang ang planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto matapos ilabas nito ang isang matrix.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang information ukol sa ouster plot laban sa Pangulo ay ibinahagi kay Pangulong Duterte mula sa isang foreign intelligence report.
Wika pa ni Panelo, inutusan siya mismo ni Pangulong Duterte na ibunyag ang nasabing matrix sa media briefing nito kung saan ay sangkot dito ang ilang mga journalists tulad ng mga nasa Vera Files, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at Rappler. Kasama rin sa matrix ang National Union of People’s Lawyers (NUPL).
Aniya, ang paglabas ng video ng ‘totoong narcolist’ ni alyas Bikoy ay bahagi rin ng ouster plot kay Pangulong Duterte at nakapaloob din ito sa nasabing matrix.
Sinabi pa ng presidential spokesman na ang tanging utos sa kanya ni Pangulong Duterte ay banggitin sa kanyang media briefing ang tungkol sa matrix at kung gustong malaman ng media ang paliwanag hinggil sa link ng mga nasabing journalists na nasa matrix ay siya (Duterte) ang tanungin mismo.
Idinagdag pa ni Panelo, wala pang planong kasuhan ng gobyerno ang nasabing mga journalists na nasa oust-Duterte matrix sa kasalukuyan puwera na lamang kung mayroon na itong over act.
Samantala, pinuna ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na katawa-tawa at illogical umano ang pag-uugnay sa mga human rights lawyer sa sinasabing ouster plot laban kay pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Zarate na walang katotohanan at walang pagkakaiba sa red October plot noon na gawa-gawa lamang ng militar at kalaunan ay napatunayang peke.
Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines-Public Affairs office Chief Col. Noel Detoyato, mabibigo ang anumang pagtatangka ng mga kritiko na ibagsak sa kapangyarihan ang administrasyon ni Duterte.
Sinabi ni Detoyato na, hangga’t nanatiling malakas ang suporta ng AFP at Philippine National Police kay Pangulong Duterte, hindi magtatagumpay ang mga grupong nais itong patalsikin sa kapangyarihan.
“Pero sa ngayon there is no specific threat tayo na nakikita. Maraming nagka-come up na mga information pero no specific threat,” ani Detoyato.
READ MORE https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2019/04/23/1911890/oust-plot-vs-digong-ibinunyag