disaster

Over 30% of foreign residents in Saitama don’t know where to take shelter during disasters

Higit sa 30% ng mga dayuhang residente sa prepektura ng Saitama ang hindi alam kung saan maaaring lumikas sakaling magkaroon ng sakuna, ayon sa isang survey ng lokal na pamahalaan na isinagawa mula Oktubre hanggang Disyembre 2024. Bukod dito, isa sa bawat apat na dayuhan ang nagsabing hindi nila alam kung ano ang gagawin sa oras ng emerhensiya.

Ipinakita rin ng survey na 30% ng mga dayuhang residente ay may kahirapan sa pag-unawa ng wikang Hapones kaugnay sa mga abisong pangsakuna, tulad ng mga kautusan sa paglikas. Dagdag pa rito, 42% ang nag-alala tungkol sa kung paano agad makakakuha ng sapat na impormasyon sa oras ng pangangailangan, at 16% ang may pangamba na hindi nila maiintindihan ang wika sa mga evacuation center.

Ang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon sa panahon ng sakuna ay ang internet (65%), ngunit higit sa kalahati ng mga dayuhan ang hindi alam na nagbibigay ng impormasyon ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga opisyal na website.

Bilang tugon, inanunsyo ng pamahalaan ng Saitama ang mga hakbang upang mapabuti ang kanilang komunikasyon. Kabilang dito ang pag-aangkop ng kanilang opisyal na website upang ma-access sa iba’t ibang wika sa pamamagitan ng mga automatic translation tool. Ire-redesign din ang kanilang opisyal na Line account upang magbigay ng impormasyon sa 15 wika simula sa ikalawang kalahati ng fiscal year 2025. Ang proyekto ay may itinalagang badyet na ¥26 milyon (humigit-kumulang US$181,000).

Source / Larawan: Mainichi

To Top