Mula nang ipatupad ang bagong batas sa Japan noong Hulyo 2023 na nagkikriminalisa sa lihim na pagkuha ng larawan o video na may layuning voyeuristic, umabot na sa 550 ang bilang ng mga estudyanteng nahuling lumabag dito hanggang Mayo 2025, ayon sa National Police Agency ng bansa.
Sa kabuuang bilang, tinatayang 40% ng mga kaso (219) ay nangyari mismo sa loob ng mga paaralan. Kabilang sa mga lumabag ay 423 estudyante sa high school at 81 sa junior high school. Ayon sa mga eksperto, ang malawakang paggamit ng smartphones at tablets ang isa sa mga salik, kaya’t mahalaga ang maagap na gabay at interbensyon upang maiwasan ang pag-uulit ng krimen.
Ilan sa mga insidente ay nagpapakita ng kaseryosohan ng problema. Sa Fukuoka, isang babae ang lihim na kinuhanan ng video ng kaklase habang nagbibihis para sa PE class. Nagsampa ng reklamo ang ina ng biktima sa pulis. Lumabas na may isa pang kaso ng voyeurism sa parehong paaralan gamit naman ang tablet.
Hindi lamang mga estudyante ang sangkot. Tatlong guro ang naaresto matapos mapatunayang nagpapalitan ng hindi angkop na larawan ng mga estudyante sa social media, na nagdulot ng matinding pagkabahala sa publiko.
Babala ng mga eksperto, maraming kabataan ang hindi nauunawaan ang bigat ng kanilang ginagawa. “Sinasabi ng ilan na biro lang ito, pero kailangang maunawaan nila na ito ay isang krimen,” sabi ni Hiroki Fukui, kinatawan ng Sex Offenders Medical Center, na nakakita ng 20 ulit na pagtaas sa mga menor de edad na humihingi ng tulong mula 2011.
Source: Kyodo