• Manila Water hindi maaaring patawan ng parusa
• Manila Water boss, MWSS chief regulator pinagbibitiw sa puwesto
Kailangang emyendahin ang batas ukol sa water concession para maparusahan ang mga concessionaire na papalya sa serbisyo, ayon kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Binitawan ni Arroyo ang pahayag habang dinidinig sa Kamara ang krisis sa tubig na pumerwisyo sa libo-libo sa silangang bahagi ng Metro Manila at Rizal province.
Sinabi ni Arroyo sa mga mamamahayag ngayong Lunes na napag-usapan nila ni Quezon City Rep. Winston Castelo — ang namuno sa komite na nag-imbestiga sa krisis — ang ukol sa butas sa batas.
“Perhaps in the law, we have to add a penalty provision for those who do not comply with the, who fail to comply with some parts of the concession agreement,” ani Arroyo.
(Baka sa batas kailangan nating magdagdag ng probisyon ukol sa pagpataw ng parusa para sa mga hindi susunod, mabibigong sumunod sa ilang bahagi ng concession agreement.)
“He [Castelo] says that seems to be what’s missing in the law,” ani Arroyo.
(Sabi niya iyon na lang ang kulang sa batas.)
Ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) chief regulator Patrick Ty, nilabag ng Manila Water ang mando ng concession agreement na walang patid dapat ang serbisyo ng tubig.
Pero sa halip na parusahan, maaari lang daw bawalan ng MWSS ang Manila Water na singilin sa mga konsumer ang gagastahin sa pag-ayos sa problema.
Mula noong nakaraang linggo, nakaranas ng mahinang suplay hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig ang 1.2 milyong kabahayang sineserbisyuhan ng Manila Water. Hindi naman apektado ang west zone sa ilalim ng Maynilad.
HUMINGI NG PAUMANHIN
Sa umpisa ng pagdinig, humingi ng paumanhin si Manila Water president at chief executive officer (CEO) Ferdinand Dela Cruz sa mga kostumer nilang nawalan ng tubig noong nagdaang linggo.
May mga contingency plan daw sana ang kompanya pero nagkaaberya ang mga ito kaya hindi naiwasan ang problema.
Nakadagdag din sa kakulangan ng suplay ng tubig ang pagkukumahog ng mga kostumer sa pag-ipon ng tubig, ayon kay Dela Cruz.
Sa pagdinig, sinabi ni Dela Cruz na handa siyang magbitiw sa puwesto pero iginiit na prayoridad niya ang pagbalik sa serbisyo ng tubig.
“I am prepared to resign for failing the customers, but my focus right now, Your Honor, is to restore the service even if it’s a slow process,” ani Dela Cruz nang tanungin ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza kung kailan nito balak mag-resign.
(Handa akong magbitiw sa puwesto dahil sa pagbigo sa mga kostumer pero ang pinagtutuunan ko ng pansin ngayon ay ang pagbalik sa serbisyo kahit mabagal.)
Tinanong din ni Atienza si Ty kung handa rin itong magbitiw sa kaniyang puwesto. Sagot ni Ty: “We don’t run from problems, we want to face this.”
(Hindi po namin tinatakbuhan ang mga problema. Gusto namin itong harapin.)
“We have inherited this problem and we are fixing this already and we are up to the challenge,” ani Ty.
(Namana namin itong problemang ito at inaayos na namin at kaya namin ang hamon.)
Humirit naman si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ng refund para sa mga apektadong kostumer.
Pero ayon kay Dela Cruz, hindi pa nila napag-uusapan kung mabibigyan ng refund ang mga konsumer dahil tutok sila sa pagbabalik ng serbisyo.
Nilinaw din ni Dela Cruz na totoo ang krisis sa tubig at hindi “conspiracy” o pagsasabwatan bilang bahagi ng destabilization plot laban sa gobyerno.
“Wala pong conspiracy. Our supply deficit is real,” ani Dela Cruz.
Tiniyak ng MWSS at Manila Water na may mga solusyon sila sa mga problema kasama ang pagbibigay ng tubig ng Maynilad sa Manila Water, pag-develop ng bagong pagkukuhanan ng tubig at treatment plants, at dagdag na tunnel sa mga dam at pagbuhay sa mga deep well.
Inaasahang tatagal ang problema hanggang katapusan ng tag-init, ayon sa Manila Water. — Source: ABS-CBN News