Pasko na pong muli! At para sa ating mga Pilipino, saan mang panig ng mundo, ito ang panahon na ating pinaka-aabangan sapagka’t kasunod na rin ang pagasang dulot ng Bagong Taon.
Para sa ating nandito sa bansang Hapon, kalakip na po ng saya ay iba’t iba pang damdamin ang ating nasa puso. Nandiyan ang hinahanap-hanap nating pagdiwang ng katutubong Pilipinong Simbang Gabi at Noche Buena, kahalo na rin ang pagnanais na makapiling ang buong pamilya at malalapit na mga kaibigan sa Pilipinas.
Sa bawa’t Paskong nakibahagi ako sa ilang Christmas Party ng ating mga komunidad ng Pilipino dito sa Western Japan (Nishi Nihon) sa nakaraang apat na taon na nagsilbi po ako bilang inyong Konsul Heneral, naramdaman ko ang mga damdaming ito at nakita ko rin ang lakas at determinasyon ng bawa’t Pilipino na harapin anumang paghamon sa pamumuhay sa ibang bansa.
Salamat po sa “internet” at social media at ngayon ay mas madaling nakakapiling ang mga mahal sa buhay sa Pilipinas o iba pang lugar na parang nagkakasama ding nagdiriwang ng Pasko kahit nga ito ay hindi personal ngunit “virtual” lamang.
Salamat din po sa “internet” at nabigyan ako ngayon ng pagkakataon na makapagbahagi ng pagbati sa mensaheng ito sa mas nakararami, lalo na diyan sa Nagoya at iba pang bahagi ng Nishi Nihon na sinasakupan ng inyong Konsulado Heneral dito sa Osaka.
Ngayong Kapaskuhan 2016 at sana’y sa mga susunod na panahon na rin ay buhayin po natin sa ating isip at gawa ang diwa ng pagbibigayan, pasasalamat at pagmamahalan na dulot ng Pasko. Magdiwang po tayong lahat ng isang masaya at makabuluhang kaPaskuhan dito sa Japan at harapin ng buong pagasa ang darating na Bagong Taon.
Sa pamamagitan din po ng Pamaskong pagbating ito ay ang aking pamamaalam sa pagsilbi bilang inyong Konsul Heneral dito sa Western Japan sa nakaraang apat na taon. Muli, binabati ko po ang lahat ng isang mabiyayang Pasko at puno ng pag-asang Bagong Taon.