PHILIPPINES: Bulkang Bulusan, Nagbuga ng makapal na usok
Itinaas ang alerto ng Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon sa Alert Level 1 (low level unrest) matapos ang naganap na phreatic eruption (pagbuga ng makapal at kulay itim na usok) kaninang 10:37 ng umaga na tinatayang tumagal nang 17 minuto.
Ang ibig sabihin ng Alert Level 1 o low level unrest ay nasa abnormal na kondisyon ang bulkan at pinapayuhan ang publiko na iwasan ang pagpasok sa apat na kilometrong radius permanent danger zone.
Gayundin, pinapayuhan ang civil aviation authorities na abisuhan ang mga piloto na iwasan lumapit sa summit ng bulkan dahil sa ibinugang abo na mapanganib sa mga eroplano.
Bago ang pagputok, nakapagtala sa lugar ng 77 volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Regional DRRMC ng Bicol hinggil sa sitwasyon at mga aksyon para sa kaligtasan ng mga apektadong residente.
Matatandaang noong ika-18 ng Agosto 2021 ay ibinaba ng Phivolcs ang alert level sa Mt Bulusan sa 0 mula sa alert level 1 status nito.
Ang Bulusan ay kilala sa mga biglaang phreatic explosion o paglalabas ng makapal at maitim na usok. Ito ay sumabog na ng 15 beses mula noong 1885 at itinuturing na ikaapat na pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas.
Sitwasyon sa Lugar:
Sa kasalukuyan ay walang naitalang nasaktan o “untoward” na insidente habang patuloy na sinusubaybayan ang sitwasyon.
Sa bahagi ng bayan ng Juban, Casiguran at Irosin sa Sorsogon napadpad ang mga abo ng bulkan kung saan ilang barangay ang naapektuhan, gaya ng Barangay Bacolod at Buraburan sa Juban at mga barangay ng Cogon, Bolos, Gulang-Gulang at Tinampo sa Irosin.
Sa ngayon, base sa inilabas na abiso ng Bulusan MDRRMO wala pang nagaganap na paglikas sa lugar at nasa nomal lahat ang estado ng lifelines gaya ng komunikasyon (mobile phone lines), kuryente, at tubig .
Maliban sa insidente na halos mag zero visibility sa Maharlika Highway sa bahagi ng Irosin nitong tanghali dahil sa kapal ng abo mula sa Bulkang Bulusan, walang naitalang pagsasara sa mga pangunahing lansangan/daanan.
Ayon sa tagapagsalita ng NDRMMC na si G. Mark Timbal, mayroong isang sityo ng munisipyo ng Bulusan na binubuo ng 66 na pamilya ang naninirahan pa rin sa danger zone. Bagama’t sa impormasyong kanilang natanggap, medyo hindi naman apektado ang nasabing lugar at walang ashfall na nararanasan sa kanilang komunidad dahil sa malakas na direksyong pakanluran ang hangin na nagdadala ng abo sa ibang lugar. Ngunit naka-standby aniya ang mga residente sakaling kailanganin ang paglikas.
Sinabi naman ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Bulusan na ang paglilipat ng mga residente sa ibang komunidad na mas ligtas at nasa labas ng danger zone ay inihahanda at isinasagawa pa rin.
Samantala, naglabas naman ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Irosin ukol sa pansamantalang pagsasara ng mga lugar na pasyalan simula ngayong araw.
Nagpahayag rin ng mensahe si Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar na nakasubaybay ang Palasyo at ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaan sa sitwasyon.
Nakahanda na sa pagresponde ang Department of Social Welfare and Development sa mga maaaring maapektuhan ng insidente.
Mayroong 25,069 na family food packs na nakahanda sa DSWD warehouse sa Siyudad ng Legaspi, Catanduanes at Masbate. Bukod pa rito, may stockpile rin na food items na nagkakahalaga ng Php 16,800,549 at non-food items na nagkakahalaga ng Php 30,870,818.
Nakataas na rin sa blue alert status ang Quick Reaction Teams ng DSWD Region 5. In-activate na rin ang Social Welfare and Development Team (SWADT) Sorsogon at naatasan nang makipag coordinate na sa mga lokal na pamahalaan para sa mga pinakahuling impormasyon.
Naghayag din ang tanggapan ni outgoing Vice President Leni Robredo na naghahanda na sila ng mga face mask at tubig para sa relief operations na gagawin sa Sorsogon.
Samantala, naglabas ng mga abiso ang Department of Health ukol sa masamang epekto sa kalusugan ng mga abong ibinuga ng Bulkang Bulusan. Inabisuhan ang mga residente na isara ang mga bintana at pinto at pumirme lamang sa loob ng bahay at magsuot ng face mask upang makaiwas na masinghot ang mga abo.