Travel

PHILIPPINES: Bureau of Immigration, Hihigpitan ang Pagsusuri sa mga Japan-bound Pinoy

Inatasan ang mga inspektor ng Bureau of Immigration (BI) na naka-deploy sa mga international airport na mahigpit na suriin ang mga Pilipinong aalis patungong Japan sa layuning masugpo ang human trafficking.

Sa isang memorandum na inilabas nitong Huwebes, inatasan ni Commissioner Jaime Morente ang mga immigration inspector sa mga port of exit para “obserbahan ang due attentiveness” sa mga Filipino passenger patungo sa nasabing bansa, partikular sa mga may visa para sa intra-company transferee, short-term visitor, student, at engineer specialist in humanities and international services.

Ito ay matapos na makatanggap ang BI ng mga ulat na nagsasabing ang mga visa ay ginagamit ng mga walang prinsipyong recruiter upang iwasan ang mga patakaran ng gobyerno sa dokumentasyon at deployment ng mga Filipino worker sa Japan.

“Ang umuusbong na kalakaran na ito ay magdadala sa mga traveler na ito sa panganib ng trafficking in persons at illegal recruitment na inaatasan ng BI na pigilan,” sabi ni Morente sa isang pahayag.

Sinabi ni Morente na ang scheme ay ginagamit upang ipakita na ang purpose ng mga Filipino traveler ay para maging exempted sa pagkuha ng overseas employment certificate (OEC).

Idinagdag niya na sa pamamagitan ng paggamit ng mga visa na ito, ang mga pasahero ay nagdedeklara na sila ay naglalakbay at mananatili sa Japan sa loob lamang ng maikling panahon bagaman ang kanilang aktwal na intensyon ay magtrabaho sa East Asian country.

Samantala, sinabi ni BI port operations chief Carlos Capulong na ang lahat ng immigration inspectors na nakatalaga sa iba’t ibang daungan ay inatasan na maging mas maselan sa pagsusuri sa mga traveler.

“Inutusan namin sila na kung ang declared purpose of travel ng isang pasahero ay kaduda-duda, ang huli ay dapat na i-refer para sa secondary inspection sa aming travel control at enforcement unit,” aniya.

To Top