disaster

PHILIPPINES: PH Coast Guard, Naghahanda Para sa Emergency Operations sa Paparating na Bagyo

Sinimulan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang deployment ng kanilang mga tropa at asset habang ang bansa ay naghahanda para sa Tropical Storm Rai na tatawaging “Odette” sa oras na makapasok ito sa Philippine Area of ​​Responsibility (PAR) Martes ng gabi.

Sa isang Facebook post, inatasan ni PCG commandant Admiral Leopoldo Laroya nitong Martes ang ilang mga distrito, istasyon, at sub-station ng PCG na maghanda para sa mga paglikas, rescue operations, at relief mission sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units.

Partikular na inatasan ni Laroya ang mga PCG unit sa Caraga at Western Visayas regions na agad na i-activate ang kanilang deployable response groups (DRG) at quick response teams (QRT) gayundin ang inspeksyunin ang kanilang available na search and rescue (SAR) assets at equipment.

“Let us monitor closely and coordinate proactively to ensure the safety of lives so we could all celebrate Christmas with our families and loved ones,” sabi ni Laroya.

Bilang tugon sa direktiba, sinabi ng PCG na ang lahat ng mga sasakyang pandagat nito na ‘ready for sail’ ay naatasang sumilong habang ang mga station at sub-station commanders sa mga apektadong lugar ay naghahanda para sa pagpapalabas ng naaangkop na maritime safety advisories sa publiko.

Para sa mga PCG unit na wala sa mga lugar na inaasahang direktang tatamaan ng tropical storm, inatasang makipagtulungan sa PCG Auxiliary sa pagre-repack ng mga pagkain, medical supplies, hygiene kits, at iba pang relief packages upang matiyak ang mabilis na pagbibigay ng humanitarian assistance sa mga komunidad na maaapektuhan.

Nauna nang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit 10,000 barangay sa Visayas at Mindanao at ilang lugar sa Southern Luzon ang posibleng maapektuhan sa sandaling mag-landfall si “Odette”.

To Top