PHILIPPINES: PH President Duterte, Sinabi na Naghahanda na Siyang Lumabas ng Palasyo
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsimula na siyang mag-impake ng kanyang mga gamit at maghanda sa paglabas ng Palasyo ng Malacañan habang opisyal nang sinimulan ang kampanya sa halalan noong Martes.
“Nag-iimpake na nga ako eh. ‘Yung iba pinadala ko na. Iyong madala sa barko, ibinarko ko…I should be out by March. Hindi ko na paabutin ng Abril. ‘Di na rin ako matutulog dito [sa Malacañang]. Kung saan ako dalhin ng Panginoong Diyos, mag-practice na akong matulog doon,” sinabi ni Duterte sa isang prerecorded public address noong Lunes ng gabi.
Sa halip na manatili sa kanyang opisyal na tirahan sa Malacañang compound, plano umano niyang bumili ng two-bedroom condo sa Maynila at bisitahin lamang ang Palasyo para sa mga “day-to-day” na aktibidad.
Sa Davao City ang opisyal na tirahan ni Duterte at ng kanyang pamilya.
“Paglabas ko, sinabi ko sa asawa ko kung saan ako pupunta. Sabi ko: ‘Bumili ka ng maliit na condo na pwede kong tirhan tuwing nandito ako sa Manila — kahit dalawang kwarto lang,…Kapag umalis ako dito, wala na akong matitirhan. Wala akong mga pinsan dahil lahat sila ay nasa America. So wala akong bahay dito,” dagdag pa niya
Sinabi ni Duterte na hindi niya kailangan ng malaking bahay dahil ang kanyang mga anak ay malalaki na at may kanya-kanyang karera sa pulitika ngayon.
“I don’t know where, kung saan ako dalhin ng Diyos. But I trust that he would not let me down,” sabi pa niya.
“I await the day of the turnover. Matikman ko rin yung feeling ng outgoing president. I will be the one to meet the new president, then I will invite him here for a tête-à-tête,” sabi niya
Noong Disyembre 2021, sinabi ni Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na i-enjoy ni Duterte ang mga pribilehiyo ng pagiging isang private citizen at gugugol ng mas maraming oras sa kanyang pamilya kapag natapos ang kanyang termino sa Hunyo.
Aniya, ang desisyon ni Duterte na umatras sa pagka-senador ay magbibigay-daan sa kanya na unahin ang pagtugon sa Covid-19 ng bansa at matiyak ang mapayapa, transparent, at patas na national at local elections.