Pinagtibay ng US ang Pangako sa Pagtatanggol ng Pilipinas sa South China Sea
Muling pinagtibay ng United States ang kanilang pangako sa pagtatanggol sa Pilipinas, kasunod ng pagsiklab ng tensyon sa South China Sea. Inakusahan ng Maynila ang isang barko ng China na nagtuturo ng laser sa isa sa mga patrol ship nito.
Nakausap ni US Defense Secretary Lloyd Austin ang kanyang Philippine counterpart na si Carlito Galvez sa pamamagitan ng telepono.
Sinabi ni Austin na ang pag-atake sa isang sasakyang pandagat ng Pilipinas saanman sa South China Sea ay maghihikayat sa pangako sa pagtatanggol ng US sa ilalim ng isang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sinabi ng Philippine Coast Guard na isang barko ng gobyerno ng China ang nagdirekta ng isang military-grade laser sa patrol vessel nito noong unang bahagi ng buwan malapit sa Spratly Islands.
Inaangkin ng Beijing na ang barko ay hindi nagdirekta ng mga laser sa mga tripulante, o nagdulot ng anumang pinsala. Sinabi nito na ang barko ng China ay napilitang tumugon, dahil ang barko ng Pilipinas ay pumasok sa karagatan ng China nang walang pahintulot.
Ngunit sumang-ayon si Austin kay Galvez na naganap ang insidente sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Tinalakay nila ang magkasanib na pagpapatrolya sa South China Sea at karagdagang pakikipagtulungan sa mga bansang like-minded tulad ng Japan, na nagnanais ng malaya at bukas na Indo-Pacific.
Layunin ng Maynila na palawakin ang pakikipagtulungan sa seguridad sa ibang mga bansa. Pinag-iisipan nito ang magkasanib na patrol kasama ang Australia sa South China Sea.