Police officers disciplined for playing online games during duty hours

Walong pulis sa prepektura ng Hyogo, Japan, ang nadisiplina matapos maglaro ng isang online game habang naka-duty sa kani-kanilang mga himpilan ng pulis na tinatawag na koban. Isang opisyal na 38 taong gulang ang binawasan ng 10% sa kanyang sahod sa loob ng isang buwan, habang ang pito niyang nasasakupan, na may edad mula 21 hanggang 30, ay nabigyan ng pormal na babala.
Ayon sa lokal na pulisya, ginamit ng mga pulis ang kanilang personal na cellphone upang bumuo ng mga koponan at maglaro mula Oktubre hanggang Disyembre noong nakaraang taon. Tumagal ng humigit-kumulang 20 minuto ang bawat laro, at may ilan na naglaro nang hanggang sampung beses sa nasabing panahon. Bagama’t karaniwang naglalaro sila sa mga silid pahingahan ng koban, may mga pagkakataong ginawa ito habang nagpapatrulya.
Lumabas ang insidente matapos makatanggap ng isang anonymous na sulat ang pulisya noong Nobyembre. Inamin ng lahat ng sangkot ang kanilang ginawa.
Ayon sa mga awtoridad, hindi naapektuhan ang serbisyong ibinibigay sa publiko dahil itinitigil ng mga pulis ang laro tuwing may natatanggap silang tawag o ulat.
Source / Larawan: Yomiuri Shimbun
