General

Quarantine facilities sa Pinas sapat pa para sa mga uuwing OFW’s

MAYNILA – Sapat pa raw ang mga quarantine facility para sa mga nagsisiuwiang mga overseas Filipino worker sa gitna ng patuloy na COVID-19 pandemic at pag-usbong ng bagong variant ng sakit.

“Sa ngayong ay kakayanin pa naman,” pahayag ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)

Ayon kay Cacdac, mayroon sa ngayong 5,900 na OFWs mula sa 28 mga bansang may bagong variant ng COVID-19 ang dumaraan sa 14-day mandatory quarantine.

Pero sabi ni Cacdac na ito ang unang araw ng paglabas ng mga naunang batch na nakapag-quarantine.

“Ang good news, simula ngayong araw nagsimula na ang inflow and outflow ng 14-day quarantine,” sabi ni Cacdac.

May tinatayang 1,500 hanggang 2,500 OFWs ang umuuwi sa bansa kada araw.

Pero paliwanag din niya na tanging ang mga OFW na galing sa mga bansang may travel restrictions dahil sa bagong COVID-19 variant ang kinakailangang sumailalim sa 14-day quarantine kahit pa mayroon silang negative RT-PCR test result.

“Kaya ‘yung hindi [kasama sa] 28 countries labas-pasok po ‘yan, in 1 to 3 days nakukuha ang resulta nila salamat sa Coast Guard at Red Cross,” sabi niya.

Kabilang umano sa mga umuuwi ay mga nagbabakasyon sa bansa.

“Nitong huling quarter ng 2020, dumarami ‘yung nagbabakasyon lamang which is a good sign po. Ibig sabihin, nagno-normalize na mga trabaho nila. Ang estima po dyan, 50 percent ay nagbabakasyon na po lalo na nitong Kapaskuhan,” saad niya.

Mayroon din aniyang nagpasyang umuwi na nang tuluyan sa bansa dahil sa iba’t ibang rason at napabilis lamang sanhi ng COVID-19 pandemic.

ctto Source: ABSCBN

To Top