Sa halos 300,000 trabaho na bubuksan umano ng Japan para sa mga dayuhang manggagawa, posibleng 100,000 umano rito ay manggaling sa Pilipinas, ayon sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “Unang Balita” nitong Martes.
Sinabi pa sa ulat na nakatakda umanong pirmahan ng Department of Labor and Employment at Japan ang isang bagong kasunduan na bunga ng bagong batas ng nabanggit na bansa sa pagtanggap ng mga foreign worker.
“Ito po ay open sa mga bansang kanilang mayroong kasunduan at tayo yung pinakaunang nilapitan ng bansang Japan,” sabi ni Levinson Alcantara, Director ng Pre-Employment Services Office ng Philippine Overseas Employment Administration.
Kabilang umano sa mga trabahong puwedeng aplayan ng mga Pinoy skilled worker ang nasa larangan ng building maintenance, food services at manufacturing, electronics at maging sa agriculture at fisheries.
“Ang advantage po nito ay mayroon po tayong tinatawag na national treatment ng ating mga worker. Ibig sabihin kung ano po yung benepisyo at sahod ng mga Japanese nationals, ito rin po yung potential na mare-receive ng ating mga workers na papunta roon ngayon,” sabi ni Alcantara.
Hinihintay na lang umano ang magiging detalye ng kasunduan bago magsimulang makapag-apply ang Pinoy.
Ayon pa sa POEA, hindi tulad sa mga nurse, sa ilalim ng bagong kasunduan ay hindi kailangang maging lubhang bihasa sa Nihongo para makapagtrabaho sa Japan.
Gayunman, kailangan pa rin daw na maipasa ng mga aplikante ang isasagawang language training. — FRJ, GMA News