Simula Abril 1, 2026, pinapayagan na sa Japan ang shared custody ng mga anak matapos ang diborsyo, kasunod ng pagpapatupad ng binagong Civil Code. Dati, karaniwan ang sole custody, kung saan iisang magulang lamang ang may kapangyarihan sa mga desisyon.
Layunin ng bagong patakaran na unahin ang “best interest of the child,” na hinihikayat ang komunikasyon at kooperasyon ng parehong magulang. Ang mga pang-araw-araw na desisyon ay maaaring gawin ng magulang na kasama ng bata, habang ang mahahalagang usapin, tulad ng edukasyon at paglipat ng tirahan, ay nangangailangan ng kasunduan ng dalawa.
Bahagi rin ito ng pagtugon sa internasyonal na presyon at mga kritisismo kaugnay ng tinatawag na “parental abduction.” Ayon sa mga eksperto, maaaring mapalakas nito ang ugnayan ng pamilya at mahikayat ang mas maayos na pagbabayad ng child support.
Gayunpaman, may mga pangamba tungkol sa posibleng alitan ng mga magulang, emosyonal na epekto sa mga bata, at limitasyon ng sistema ng hustisya. Hindi kabilang sa shared custody ang mga kasong may kinalaman sa domestic violence.
Source: Yahoo! Japan / Larawan: Illustrative