Nagpapatupad ang mga international associations sa rehiyon ng Tokai-Hokuriku ng libreng konsultasyong serbisyo para sa mga dayuhang residente ng Makinohara matapos ang pinsalang dulot ng Bagyong No. 15 at mga buhawi sa lugar. Ang serbisyo ay inaalok sa apat na wika: Filipino, Portuguese, Vietnamese, at Spanish.
Maaaring humingi ng tulong ang mga residente sa pamamagitan ng Facebook pages ng tatlong organisasyong kasali sa proyekto — ang international associations ng Prepektura ng Shizuoka, Lungsod ng Shizuoka, at Lungsod ng Hamamatsu. Kabilang sa suporta ang gabay sa mga aplikasyon at proseso kaugnay ng pinsala sa tirahan, pati na rin konsultasyon tungkol sa iba’t ibang suliranin sa pang-araw-araw na pamumuhay. Maaari ring magsagawa ng video call kasama ang residente, mga kinatawan ng asosasyon at mga kawani ng pamahalaang lokal.
Pagkatapos ng kalamidad, nagpadala ng mga interpreter sa Makinohara upang direktang tumulong sa mga naapektuhan. Ngunit dahil sa lumalaking pangangailangan para sa multilingual na suporta, ipinakilala ang remote na sistema gamit ang social media upang mas maabot ang mga residente, kabilang ang mga nasa malalayong lugar.
Hinimok ng Hamamatsu International Exchange Association (HICE) ang publiko na irekomenda ang serbisyo sa mga kaibigan, kakilala, o empleyadong dayuhan na maaaring nahihirapan sa mga dokumento o prosesong administratibo.
Source / Larawan: Shizuoka Shimbun