Shizuoka tick-borne fever cases surpass annual record

Kinumpirma ng pamahalaan ng Prepektura ng Shizuoka ngayong Miyerkules (ika-7) ang ika-17 kaso ng Japanese spotted fever sa taong 2025, lampas na sa naitalang pinakamataas na bilang na 14 noong 2024. Ang sakit ay naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng madani, isang uri ng garapata.
Ang pinakahuling biktima ay isang lalaking nasa edad 80 na nakatira sa silangang bahagi ng prepektura, sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Eastern Health Office. Nagkaroon siya ng lagnat noong Hulyo 22 at naospital noong ika-25. Sa pagsusuri ng Shizuoka Institute of Environmental and Health Sciences, natuklasan ang genetic material ng bakterya ng naturang sakit sa kanyang dugo.
Bagamat hindi niya namalayang nakagat siya ng garapata, may natagpuang sugat sa ilalim ng kanyang kaliwang tuhod. Dahil din sa kanyang aktibidad na pagpuputol ng damo bago siya magkasintomas, pinaniniwalaang doon siya nakagat ng madani.
Nakauwi na ang pasyente at patuloy na nagpapagaling. Sa kabuuan, 17 kaso na ang naitala ngayong 2025, kabilang ang isang nasawi.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso, nananawagan ang mga awtoridad ng Shizuoka sa publiko na mag-ingat sa mga aktibidad sa labas, gaya ng pagsusuot ng damit na hindi naglalantad ng balat upang makaiwas sa kagat ng madani.
Source: SBS
