Culture

Mga Sikreto sa Pag-unlad ng mga OFW at Kanilang Pamilya

ABROAD; 

yan ang salitang masarap pakinggan, pero dyan mo rin mararanasan ang hirap na hindi mo inaasahan.

“Kahit papaano, pahalagahan natin ang perang kinikita natin dahil nag-abroad tayo upang mabigyan ng halaga bawat sentimong pinaghirapan natin. Ang hirap ng buhay abroad, para sa akin mahirap kahit ano pang sabihin ng ibang OFW na hindi siguro sila naghihirap man lang pero kumikita.. Ugaliin po nating mag-impok kahit pakonti konti lang.”

-Alvin John Ferias/ Buhay OFW

“Sa bawat paalam mo, Naghihintay ako sa kasunod na sasabihin mo. At sa pagtalikod mo. Naghihintay ako na yakapin mo. at pag titigan mo ako. Pinipikit ko ang mata ko. At naghihintay ng muling halik mo. At kahit magkasama tayo sa buong araw. Naghihintay ako ng bagong umaga na muli kang makasama.”

-Admin 1234/ Buhay OFW

BUHAY OFW

 

Napakahirap na ng panahon ngayon. Marami na sa ating mga Pilipino ang nag-aabroad upang matustusan ang mga gastusin, at katakot-takot na mga utang at bayarin, tuition fee, luho at kung anu-ano pa. Sa ngayon, halos isang miyembro sa bawat pamilyang Pilipino ay lumilipad patungong ibang bansa para maging OFW. Kadalasan ay naiisip natin na kapag may mga kapamilyang nag-aabroad ay mayaman ito at malaki ang kinikita. Kaya naman ay wala ring tigil ang paghingi ng pera at paggasta sa kung ano mang napupusuang mga bagay. Ang ilan pa sa mga kapamilya nating OFW ay tinitipid halos ang mga sarili para lamang hindi mabawasan at magasta ang perang ipapadala nila sa mga kapamilya sa Pilipinas. Dapat nating isaisip na ang buhay ng isang OFW ay hindi madali. Dugo at pawis ang binubuhos nila upang makaipon ng halagang kanilang ipapadala buwan buwan sa mga pamilyang kanilang naiwan sa bansa. Walang tigil ang pag taas ng mga bayarin at bilihin. Dapat natin isaalang-alang na hindi madali ang pasok ng pera sa mga kapamilyang OFW. Hindi naman sila basta bastang nagpapasarap at umuupo lamang sa mga opisina hindi ba? Kadalasan pa sa mga trabaho nila ay caretaker, housekeeper, construction workers,  kasambahay, entertainer, seaman at factory workers. Minsan pa ay nag do-doble kayod at puyat sa trabaho pa ang mga ito. Mayroon na rin mga kasong inaalila at pinagsasamantalahan pa ang ating mga kapamilya sa abroad. Hindi nila naiisip ang pagod at hirap sa paghahanap buhay sa kadahilanang alam nila na bawat sentimong ipinapadala nila sa bansa ay makakapagpasaya at makakapagpaahon sa hirap sa mga taong minamahal nila sa Pilipinas.

 

Ano nga ba ang mga bagay na maaari nating gawin upang maging maunlad? Mga bagay na dapat gawin upang makatulong sa mga kapamilyang OFW? Ang mga bagay na dapat wakasan upang mas lumaki pa ang savings? Alamin and ilan sa mga solusyon para maging maunlad ang isang OFW at ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.

 

#1. Magkaroon ng shared goals ang OFW at ang kanyang pamilya sa Pilipinas.

Kung Mayroon mang dapat mga unahin tulad ng bills, utang, groceries, tuition fees, etc., yan ang dapat na top priority at dapat pagkasunduang unahin.

 

#2. Dapat maging malinaw ang pupuntahan ng kikitaing pera.

Kung ang 70% ng kita ay napupunta para sa mga gastusin, 10% para sa mga personal na pangangailangan, 20% naman ang dapat na mapunta sa savings para sa investments.

 

#3. Huwag gawing gatasan ang mga kapamilyang OFW.

Sa panahon ngayon, madalas ay nawawala na yung sinasabing emotional bond ng mga pamilya at OFW, sa halip ay nagiging pera na lamang ang dahilan upang magkausap ang mga kapamilyang OFW sa ibang bansa. Ang kadalasan na laman ng usapan sa telepono ay ang pagpapadala at bayarin. Dapat nating isipin na hindi madali ang mag hanapbuhay at makipagsapalaran sa ibang bansa lalo na’t malayo sa pamilya. Dugo at pawis ang binubuhos ng mga ito para lang mabigay ang sustento at pangangailangan na nararapat para maiahon sa hirap at makaranas ng maunlad at maayos na buhay ang kanilang mga naiwang pamilya sa bansa.

 

#4. Iwasan ang pagiging maluho.

Hindi naman kinakailangang mag-celebrate tuwing magpapadala ang ating mga kapamiyang OFW. Hindi rin kinakailangang kumain buwan buwan sa labas at bumili ng mga bagong gadgets, trending na mga branded na sapatos at bag at kung ano pa mang bagay na gustong makuha. Matutong magtipid at responsable sa pagtabi ng pera para sa mga bagay na hindi natin inaasahan na maaaring mangyari sa hinaharap.

 

#5. Para sa mga OFW, huwag maging kampante sa pag-gasta sa abroad.

Maraming mga kaso sa ibang bansa na nauuwi sa pagkakakulong at mga kaso sa dahilang hindi nababayaran ang mga utang gaya ng paggamit ng mga credit card. Iwasan ang madalas na pag-shoshopping at iayon lamang sa pangangailangan at estado ng buhay.

 

#6. Isipin kung paano makakatulong sa kapamilyang OFW.

Mag-isip ng mga ideya kung paano magkakaroon ng additional income sa sariling bansa. Hindi dapat na humilata at maghintay na lamang sa inaaasang padala ng ating mga kapamilya sa abroad. Dapat ay magkaroon ng pagkakaisa at teamwork para sa inyong lakbay patungo sa pag-unlad.

 

Dapat natin isaisip na hindi sila nagtungo sa ibang bansa upang mapasarap at mapaigi ang pansariling kapakanan. Sila ay naghahanap buhay at nakikipagsapalaran dahil sa kagustuhang maibigay ang maginhawang buhay para sa mga pamilyang naiwan sa sariling bansa.

 

IMAGE_MAR112013_UNTV-News_PHOTOVILLE-International_OFW_repatriated-from-Syria

Overseas Filipino workers from Syria/untvweb.com

 

Respetuhin, mahalin at pasalamatan natin ang ating mga kapamilyang OFW. Kung dumating man ang mga panahong makabalik sila sa sariling tahanan, salubungin natin sila ng mainit na yakap at pagpupugay. Ibalik natin sa kanila ang mga kabutihan, kasipagan at sakripisyo na kanilang naisagawa.

 

 

To Top