Food

Tubig hihina o mawawala kapag imbak sa La Mesa Dam bumaba pa

Posibleng makaranas ng pagkaantala sa serbisyo ng tubig ang libo-libong kostumer ng Manila Water dahil malapit nang umabot sa critical level ang tubig sa La Mesa Dam, sabi ngayong Miyerkoles ng tagapagsalita ng water concessionaire.

Malapit nang bumaba sa critical level na 69 metro ang tubig sa La Mesa Dam, ang pangunahing imbakan ng tubig ng Manila Water, kaya magbabawas ang concessionaire ng produksiyon ng tubig.

Magreresulta umano sa mahinang water pressure o tuluyang kawalan ng tubig sa peak hours ng higit 60,000 kostumer ang bawas-produksiyon.

Kabilang sa mga maaapektuhan na lugar ngayong Marso ang Marikina, Pasig, Taguig, at mga bayan sa Rizal, ayon kay Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla.

“Ilalagay natin doon sa ating Facebook page kung ano talaga ‘yong eksaktong oras,” ani Sevilla.

Inamin ng Manila Water na lalala pa ang sitwasyon lalo at papasok pa lang ang tag-init at nararanasan din ngayon sa bansa ang El Niño.

Hindi rin umano uubrang dagdagan na lang basta ang alokasyon ng tubig galing Angat Dam.

Itinaas sa 48 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig mula Angat Dam sa Maynilad at Manila Water nitong Marso pero puwede pa itong dagdagan.

Pero, ani Sevilla, may limit ang kayang tanggaping suplay ng tubig galing Angat Dam.

“Mayroon tayong limitation doon sa tinatawag nating portal kung saan naghihiwalay ang tubig para sa Manila Water at para sa Maynilad,” paliwanag ni Sevilla.

“Hindi basta-basta na ‘pag nagdagdag ka, automatic dadagdag din siya doon sa supply,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ng Manila Water na lumobo nang husto ang demand o pangangailangan sa tubig nitong mga nakaraang taon, na umaabot na sa 1.7 bilyon litro kada araw, subalit hindi naman nadagdagan ang suplay ng Angat Dam.

Nag-abiso ang Manila Water sa mga apektadong kostumer na mag-ipon at mag-imbak na ng tubig.

Source: ABS-CBN

Click link below to read more:

https://news.abs-cbn.com/news/03/06/19/tubig-hihina-o-mawawala-kapag-imbak-sa-la-mesa-dam-bumaba-pa

Tubig hihina o mawawala kapag imbak sa La Mesa Dam bumaba pa
To Top