Health

Work-related mental health issues reach record high in Japan

Nagtala ang Japan ng pinakamataas na bilang ng mga kahilingan para sa kompensasyon dahil sa mga sakit sa kalusugang pangkaisipan na may kaugnayan sa trabaho, ayon sa datos na inilabas ng Ministry of Health. Sa taon fiscal na nagtapos noong Marso 2025, 1,055 katao ang kinilalang karapat-dapat sa kompensasyon para sa depresyon, mga sikolohikal na karamdaman, at iba pang sakit na dulot ng matinding stress sa trabaho — 172 na mas mataas kaysa sa naitalang bilang noong nakaraang taon.

Sa unang pagkakataon, lumampas sa isang libo ang mga kaso, na nagtatakda ng ika-anim na sunod na taunang rekord. Sa kabuuan, 88 kaso ang may kaugnayan sa pagpapakamatay o tangkang pagpapakamatay, siyam na mas marami kaysa noong nakaraang taon.

Ang power harassment o pananakot mula sa nakatataas at mga katrabaho ang pangunahing sanhi ng mga problema sa kalusugang pangkaisipan, na may 224 na ulat. Sumunod ang kahirapan sa pag-aangkop sa mga pagbabago sa dami o uri ng trabaho (119 kaso), pang-aabuso mula sa mga kliyente (108), at sexual harassment (105).

Bukod sa mga mental na karamdaman, itinala rin sa ulat ang 241 kaso ng malulubhang pisikal na sakit tulad ng pagdurugo sa utak at atake sa puso sanhi ng labis na trabaho — 25 higit kaysa sa naitala noong nakaraang taon. Sa mga ito, 67 ang humantong sa pagkamatay.

Nagbabala ang mga awtoridad ng Japan tungkol sa lumalalang epekto ng stress sa trabaho at nangakong paiigtingin ang mga hakbang sa pagpigil sa harassment at labis na trabaho sa mga lugar ng trabaho.

Source: Kyodo

To Top