General

8 Kakaibang Tips Para Alagaan Ang Puso

Ayon kay,
Dr. Willie T. Ong

 

Bukod sa pangkaraniwang payo para alagaan ang puso, tulad ng pagkain ng tama at pag-ehersisyo, mayroon ding kakaibang payo para matulungan ang ating puso at buong katawan. Alamin natin ito:

 

1. Magsipilyo at mag-floss – Ayon sa pagsusuri, ang pagsisipilyo at paggamit ng dental floss (iyung sinulid na panlinis sa pagitan ng ngipin) ay nagpapahaba ng 3 taon sa ating buhay. May mga mikrobiyo ang bibig na posibleng pumasok sa dugo at tamaan ang puso. Dahil dito, magsipilyo ng 3 beses sa isang araw at mag-floss ng 1 beses sa isang araw.

 

2. Mag-alaga ng aso – May mga pagsusuri na nagsasabi na ang mga pasyenteng may alagang aso sa bahay ay mas humahaba ang buhay. Mas nakaka-recover din sila sa heart attack. Ito’y dahil nagbibigay ng pagmamahal ang aso.

 

3. Tumawa ng 15 minutos sa isang araw – Ang pagtawa ay nagbibigay ng saya at sigla sa katawan. May mga endorphins na inilalabas ang katawan kapag tayo’y masaya. Lumalakas pa ang ating immune system.

 

4. Kumain ng saging – Ang saging ay may potassium para sa normal na pagtibok ng puso. May tryptophan din na nagpapasaya sa atin. Ang saging ay walang taba, kolesterol at asin na nakasasama sa puso. Kung ikaw ay umiinom ng gamot para sa puso o sa altapresyon, kumain ng 2 saging araw-araw.

 

5. Mag-relax at matulog – Ang pagtulog ng 7-8 oras bawat gabi ay nakapagpapalakas ng ating katawan. Kapag ika’y pagod sa trabaho, umupo sa tabi, ipikit ang mata at mag-relax ng mga 10 minuto. Maya-maya ay lalakas ka na.

 

6. Huwag magalit – Ang pagiging laging galit at mainitin ang ulo ay nakasasama sa puso. Tataas din ang iyong presyon at baka ika’y ma-stroke o heart attack. Kung mapapansin ninyo, ang mga taong laging galit ay mas nagkakasakit sa puso.

 

7. Magkaroon ng mabuting kaibigan – Kapag marami kang kaibigan, makatutulong ito sa panahon na ika’y may problema. Ayon sa pagsusuri, halos 90% ng stress ay matatanggal sa pakikipagusap sa isang maunawain na kaibigan.

 

8. Maging “in-love” – Kapag may minamahal ka sa buhay, sumasaya at sumisigla ang iyong katawan. Ayon kay Dr. David Demko, halos 7 taon ang ihahaba ng buhay ng mga taong may minamahal sa buhay.

At siyempre, ang pagdarasal at pagtulong sa kapwa ay may benepisyo din para sa atin at para sa ibang tao. Ingatan ang inyong puso!

To Top