Hinatuan ng habambuhay na pagkakakulong ng Tokyo District Court nitong Martes (16) si Seiya Fujita, 41, dahil sa pagkakasangkot sa serye ng mararahas na pagnanakaw na nagresulta sa pagkamatay ng isang biktima. Itinuturong isa sa mga lider ng grupong sangkot sa panloloko at pagnanakaw na nag-ooperate mula sa Pilipinas gamit ang alyas na “Luffy,” si Fujita ay kinilalang pangunahing utak sa pagkoordina ng mga krimen.
Ayon sa desisyon ng korte, napatunayang gumanap ang akusado ng “mahalaga at hindi mapapalitang papel” sa pagsasagawa ng mga krimen. Siya ay nilitis sa kasong robbery with homicide at iba pang kaugnay na paglabag sa batas. Sa apat na pangunahing miyembro ng grupo, siya ang ikalawang nahatulan — ang una ay sinentensiyahan ng 20 taong pagkakakulong dahil sa pagtulong sa kasong robbery with injury, at pinal na ang hatol.
Iginiit ng depensa na sa pitong insidente ng pagnanakaw na isinampa laban sa kanya, hindi umano direktang iniutos ng akusado ang paggamit ng armas at limitado lamang ang kanyang partisipasyon sa pagiging kasabwat. Gayunman, kinilala ng hukom bilang kapani-paniwala ang testimonya ng isang naunang nahatulang executor na nagsabing ipinaalam umano ng akusado ang pagkakaroon ng crowbar bilang armas. Para sa korte, malinaw na maaaring asahan na ang mga dalang kagamitan ng mga executor ay gagamitin bilang sandata, na nagpapakitang aktibong hinikayat ni Fujita ang marahas na kilos.
Binigyang-diin din ng korte na ginamit ng grupo ang encrypted messaging app na Telegram upang malayuang i-koordina ang mga pag-atake, na nagresulta sa organisadong serye ng mga pagnanakaw. Sa loob lamang ng tatlong buwan, nag-iwan ang mga krimen ng isang patay at anim na sugatan, na nagdulot ng matinding takot at pangamba sa lipunan. Ayon sa korte, ang pananagutang kriminal ng akusado ay “lubhang mabigat.”
Source: Kyodo / Larawan: Philippine bureau of immigration