Pinag-aaralan ng Ministry of Education ng Japan ang pagluwag sa mga patakaran para sa pagkuha ng mga Japanese-language teachers dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga dayuhang estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Naglabas ang isang education committee ng paunang ulat na nagmumungkahi na payagang magturo bilang part-time Japanese language instructors ang mga kwalipikadong dayuhan kahit wala silang opisyal na teaching license. Layunin ng hakbang na mabawasan ang pressure sa mga paaralan na nahihirapang tugunan ang lumalaking pangangailangan.
Ayon sa pamahalaan, umabot sa 84,759 estudyante ang nangangailangan ng suporta sa wikang Japanese noong nakaraang school year, doble kumpara noong 2016. Inirerekomenda rin sa ulat ang pagdaragdag ng mga “preparatory classes” para sa mga batang bagong dating sa Japan upang maturuan sila ng school customs at basic Japanese expressions.
Nanawagan din ang mga eksperto na isama ng mga unibersidad ang pagsasanay tungkol sa edukasyon ng mga batang dayuhan sa mga kursong pedagogy. Nais ng pamahalaan na pabilisin ang mga pagbabago upang mas mapadali ang integrasyon ng mga dayuhang estudyante sa lipunang Japanese.