Umaabot sa pinakamataas na antas ang insidente ng kidlat sa Japan mula alas-2 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi tuwing Hulyo at Agosto, kung kailan naitatala ang 43.6% ng lahat ng lightning strikes sa bansa. Ang datos ay batay sa impormasyong nakalap mula 2018 hanggang 2025 gamit ang LIDEN system ng Japan Meteorological Agency.
Ang oras na ito ay kasabay ng mga outdoor school sports activities at pag-uwi ng mga manggagawa, na nagpapataas sa posibilidad na malantad ang mga tao sa panganib. Ayon sa pagsusuri, pinakamaraming insidente ang nangyari sa pagitan ng alas-4 at alas-5 ng hapon.
Sa loob ng nakalipas na walong taon, humigit-kumulang 3.05 milyong tama ng kidlat ang natukoy sa buong Japan. Natukoy sa pagsusuri ang apat na lugar na may mas mataas na bilang ng kidlat kumpara sa pambansang average: ang rehiyon ng Kanto, ang lugar mula Gifu, Aichi hanggang Shizuoka, ang mga bahagi ng Hyogo at Okayama, at ilang lugar sa Kyushu kabilang ang Kumamoto, Fukuoka, at Kagoshima.
Ayon sa mga eksperto, ang pagdami ng kidlat sa mga lugar na ito ay dulot ng kombinasyon ng matinding init, hangin, at mga lokal na katangiang heograpikal. Bagama’t mas madalas tamaan ng kidlat ang mga puno at gusali, ipinapakita ng mga opisyal na tala na may mga kaso ng pagkamatay at pagkawala ng mga tao dahil sa lightning strikes, kaya mahalaga ang pag-iingat tuwing may bagyo.
Source: Asahi Shimbun