Nahaharap ang Japan sa panibagong pagtaas ng presyo ng itlog bunsod ng matinding init na umaapekto sa kalusugan ng mga inahing manok. Itinuturing na mas malala kaysa sa tinaguriang “egg shock” noong dalawang taon ang nakalipas, pinapalala ng mga heat wave ang kondisyon ng mga manok, na nagiging sanhi ng stress, pagbawas ng pagkain, at pagbaba ng produksyon at laki ng itlog.
Sa Houtoku Farm sa Ibaraki, kung saan may humigit-kumulang 200,000 manok at 170,000 itlog ang napo-prodyus kada araw, kahit na may cooling system, umaabot sa mahigit 30 °C ang temperatura sa kulungan—malayo sa ideal na 20 hanggang 25 °C. Ayon kay Mitsuhiro Toyomura, bumaba ang dami at kalidad ng produksyon ng itlog.
Sa merkado ng pakyawan sa Tokyo, ang karaniwang presyo ng isang kilo ng itlog na sukat M ay umabot sa ¥330, mas mataas kaysa ¥320 noong nakaraang taon at pumapantay sa ¥350 noong 2023, nang tumama rin ang bird flu. Sa mga supermarket, higit 20% ang itinaas ng presyo kumpara sa parehong panahon noong isang taon.
Bukod sa init, lumala ang problema dahil sa pagbawas ng populasyon ng manok matapos ang pagkatay sa humigit-kumulang 8.4 milyong ibon dahil sa bird flu noong nakaraang taglamig. Ayon sa mga magsasaka, kung magpapatuloy ang matinding init, posible pang tumagal ang mataas na presyo.
Source: Asahi Shimbun